JAKARTA, Indonesia --- Sa pang walong pagkakataon, muling naghari ang mga Pinoy sa men’s basketball event ng Southeast Asian Games.
Pinayukod ng Sinag Pilipinas ang Thailand, 85-57, para sa pang apat na gintong medalya ng bansa sa 26th SEA Games kagabi.
Mga manlalaro namang nais patunayan na may ibubuga pa sila ang siyang umani ng unang tatlong ginto ng bansa.
Binawi ng siklistang si Alfie Catalan ang isinukong titulo sa Laos nang dominahin ang paboritong men's individual pursuit sa track event ng cycling, habang ang baseball at men's dragon boat teams ang naghatid ng dalawa pang ginto para itulak sa 27 ang gold medal na nakuha ng Nationals papasok sa huling dalawang araw ng kompetisyon.
Isama pa ang 47 silver at 66 bronze medals, ang Pilipinas ay nananatili pa rin sa ikaanim na puwesto at hindi na mahahabol ang Singapore sa ika-limang puwesto mula sa nahakot na 41 gold 43 silver at 71 bronze medals.
Nag-ambag si bowler Frederick Ong ng silver medal sa men’s masters.
Matamis na tagumpay ang naiposte ng 29-anyos, na si Catalan, ang naghari noong 2005 Philippine at 2007 Thailand SEA Games pero nabigo sa asam na makatatlong sunod dahil sa pulitika sa cycling.
Humataw naman ng insurance run si Jonash Ponce na naka-single para makaiskor si Fulgencio Rances, habang ang pitcher na si Darwin Dela Calzada ang kumuha ng panalo sa mound.
Nagdomina ang men's dragon boat team sa 500-meter, 20-man event sa 1:53.95 tiyempo para kunin ang gintong medalya.