MANILA, Philippines - Hindi man batid kung mabubura ang hawak na record sa Guinness, kumbinsido naman ang tagapagtaguyod ng Run for Pasig River na maisasakatuparan ang ultimong adhikain na patakbo na gagawin ngayong umaga mula sa kahabaan ng Roxas Boulevard hanggang sa SM Mall of Asia sa Pasig City.
Inaasahang libu-libong tao ang makikiisang muli sa advocacy run na ang layunin ay makalikom ng pondo na gagamitin para linisin ang Pasig River.
Ang mga dadalo ay lalahok sa patakbong inilagay sa 10-k, 5-k at 3-k distansya, habang mga kilalang personalidad sa pangunguna nina ABS-CBN Corporation president Eugenio Lopez III, Ayala Corporation president Fernando Zobel De Ayala at Fred Uytengsu ng Alaska Milk Corporation ang tatakbo sa 21-K Charity Run.
Noong nakaraang taon ay pumalo ng 116,000 ang bilang ng mga tumapos sa karera na siya ngayong kinikilalang rekord sa Guinness Book bilang pinakamalaking bilang sa isang araw na pakarera.
Tumabo ng P5 milyong kita ang patakbo noong 2010 at umaasa ang organizer na ABS-CBN Foundation na ganito rin kundi man ay mas malaki pa ang kikitain sa taong ito na gagamitin para linisin ang Estero de San Miguel na nasa tabi ng Malacañang.