Abaniel susunod sa mga yapak ni Julaton
MANILA, Philippines - Posibleng may isa pang Filipina boxer na susunod sa mga yapak ni Ana ‘The Hurricane’ Julaton.
Nakatakdang labanan ni Gretchen Abaniel si Katia Gutierrez para sa IBF minimumweight crown sa Disyembre 10 sa Mexico.
Tangan ng 26-anyos na si Abaniel ang 10-2-0 win-loss-draw ring record kasama ang 2 knockouts, habang hawak ng 22-anyos na si Gutierrez ang 11-2-0 (3 KOs).
Ang tubong Puerto Princesa City, Palawan ay dating miyembro ng women’s national boxing team.
Nauna nang inangkin ni Abaniel ang bakanteng World International Boxing Association minimumweight crown mula sa isang unanimous 10 round decision laban kay game Nongbua Lookprai-Aree ng Thailand noong Marso 25, 2009 sa Manila Hotel para sa Annual Banquet of Champions at sa Flash Elorde Annual Awards.
Naagaw naman ito kay Abaniel ni Samson Tor Buamas noong Pebrero 19 sa Thailand.
Tanging ang 31-anyos na si Julaton ang nag-iisang Filipina world boxing champion ng bansa.
Nagreyna si Julaton sa IBA at WBO female super bantamweight division.
Naidepensa ni Julaton ang kanyang WBO belt kay Mexican Jessica Villafranca via unanimous decision noong Oktubre 30 sa Mexico.
- Latest
- Trending