MANILA, Philippines - Sa kanyang pagbitaw sa kanyang hawak na WBO at WBC bantamweight belts, nakahandang labanan ni Nonito 'The Filipino Flash' Donaire, Jr. si Wilfredo Vazquez Jr. ng Puerto Rico para sa WBO super bantamweight crown sa susunod na taon.
Ito ay matapos ihayag ni WBO president Francisco Valcarcel ang pagbakante ni Mexican Jorge Arce sa kanyang titulo upang bumaba ng weight division.
Kaya naman gustong itakda ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang Donaire-Vazquez fight para sa nabakanteng WBO super bantamweight title sa Pebrero ng 2012.
“Top Rank is looking to make a fight between Nonito Donaire, Jr. and Wilfredo Vazquez, Jr., which could be held in February 2012,” sabi ni Valcarcel.
Kasalukuyang tangan ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire ang 27-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs matapos talunin si Omar Narvaez ng Argentina via unanimous decision noong Oktubre 22 sa Madison Square Garden sa New York.
Ang WBC at WBO bantamweight titles ni Donaire ay mula sa kanyang second-round KO kay Mexican Fernando Montiel noong Pebrero 19 sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Bitbit naman ni Vazquez ang kanyang 20-1-1 (17 KOs) card.
Si Donaire ay nagkampeon na sa IBF at IBO flyweight division noong 2007.
Bukod kay Vazquez, nasa listahan rin ni Arum para kay Donaire si Toshiaki Nishioka (39-4-3, 24 KOs) ng Japan.
Nakatakdang hamunin ni Arce (58-6-1, 44 KOs) si Angky Angkotta (25-5-0, 14 KOs) ng Indonesia para sa dating suot ni Donaire na WBO bantamweight belt sa Nobyembre 26 sa Mexico.