Dehado sa tangkad si Rico Maierhofer kumpara kay Yancy De Ooampo pero hindi hamak na mas bata siya at mas exciting na panoorin.
At iyon ang mahalaga para sa Barangay Ginebra.
Kasi nga, ang gusto ni coach Bethune “Siot” Tanquingcen ay makakuha ng mga manlalarong bata at exciting. Matagal na niyang sinasabi iyon dahil sa pananaw niya’y tumatanda na ang mga Gin Kings.
Bukod kay Maierhofer ay nakuha din ng Barangay Ginebra sa isang three-team trade ang rookie na si Allein Maliksi. Bale ang nawala sa Barangay Ginebra ay sina De ocampo at second round pick sa 2012 na nasa B-Meg na at si Jimbo Aquino at first round pick sa 2013 na napunta naman sa Barako Bull.
Mabigat ang naging kapalit dahil hindi lang player ang ipinamigay ng Gin Kings kundi ang dalawang future picks. Pero kailangan na nga kasing umpisahan ng Barangay Ginebra ang pagre-rebuild ngayon pa lang.
Si Maierhofer ay isang malaking piyesa sa rebuilding process. Eh hindi nga ba’t noong 2009 ay nahirang siya bilang Rookie of the Year. Hindi nga nagtuluy-tuloy ang development ni Maierhofer dahil sa nagtamo siya ng torn anterior cruciate ligament noong nakaraang season at kinailangang operahan ang kanyang tuhod.
Matagal ang naging rehabilitation process para kay Maierhofer. At nang magbalik siya sa active duty ay bago na ang kanilang coach. Pinalitan ng multi-titled na si Tim Cone si Jorge Gallent na ngayon ay assistant na sa Petron Balze.
Sa panibagong sistema ni Cone, kumaunti ang playing time ni Maierhofer. Minsan nga’y tagapalakpak na lang sia sa bench imbes na ‘yung dating role niya bilang chief reliever ni Marc Pingirs. Kasi hindi nga ba’t pareho sila ng intensity ni Pingris?
Siguradong magagamit siya nang husto sa Barangay Ginebra dahil palaging may injury si Eric Menk, samantalang pinayagan si Billy Mamaril na bantayan muna ang kanyang maybahay na may sakit.
Gaya ni Maierhofer ay masaya ding panoorin si Maliksi na angkop ang apelyido sa kanyang mga kilos. Double figures ang average sa scoring ni Maliksi sa Barako Bull bago siya nagtamo ng injury sa laro kontra Shopinas.com
Kung silang dalawa naman ni Aquino ang ipagkukumpara, makikitang mas exciting si Maliksi. Mas maraming galaw kasi at hindi lang tulad ni Aquino na outside shooter.
Ito nga ang dahilan kung bakit nabangko si Aquino at mas nabigyan ng playing time si John Wilson noong nakaraang season. Kasi, mas maraming moves si Wilson na isang dating Most Valuable Player sa NCAA noong naglalaro pa siya sa Jose Rizal University. At bukod sa opensa ay may depensa din si Wilson.
Oo at marami ding kalaban sa puwesto si Maliksi sa Barangay Ginebra pero karamihan ay may edad na.
Pero teka, may umuugong na panibagong trade na kasasangkutan ulit ng isa pang Barangay Ginebra center at isang taga-Alaska Milk. Totoo kaya iyon? Abangan rebuilding ng Gin Kings!