PALEMBANG, Indonesia --- Hindi man naisakatuparan ang asam na tatlong gintong medalya ay hindi naman masasabing bigo ang naging kampanya ng national wrestling team sa 26th SEA Games dito.
Tumapos ang national wrestlers taglay ang 2 gold, 3 silver at 3 bronze medals na kinapos ng isang ginto para mahigitan sana ang naitalang karta noong 2009 sa Laos SEA Games na 3-2-4 medal count.
Ngunit umabot sa 11 ang bilang ng manlalaro na sumabak sa Laos, habang walo lamang ang sumalang sa edisyong ito at walang kababaihang ipinadala.
Pero humingi pa rin ng paumanhin ang pamunuan ng Wrestling Association of the Philippines (WAP) sa nangyari.
“We in the WAP thought we could surpass our Laos record. Turned out we couldn’t repeat even that. We are sorry,” wika ni secretary general Karlo Sevilla.
Sina Margarito Angana at Jason Balabal ang siyang nakapaghatid ng gintong medalya sa larangan ng Greco Roman sa 55kgs at 84kg, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang unang pagkakataon na sumali si Balabal sa Greco Roman upang malaman rin ng WAP na may potensyal ito sa nasabing event.
Nanalo naman ng silver sina Robertson Torres (120kg), Michael Baletin (74kg) at Roque Mana-ay (66kg), habang sina Balabal, Angana at Paulo delos Santos ang nanalo ng bronze medal sa larangan ng freestyle.
Ito naman ang huling kompetisyon na lalahukan nina Jimmy at Jerry Angana, Baletin, Delos Santos at Mana-ay dahil magreretiro na sila matapos ang 2011 SEA Games.
“This is sports, things happen. But we will have a new line-up next year and there lies the new challenge,” dagdag pa ni Sevilla sa magiging hakbang ng WAP sa 2012.