Apat na national boxers pasok sa finals
PALEMBANG, Indonesia --- Ginawang apat nina Josie Gabuco at Alice Kate Aparri ang mga boksingero ng Pilipinas na umabante sa finals nang talunin nila ang mga kalaban mula sa host Indonesia sa semifinals ng boxing event ng 26th SEA Games kahapon sa Basket Hall Campus dito.
Hindi binigyan ni Gabuco ng pagkakataon si Apriliany Pricilia tungo sa madaling 20-9 tagumpay at lumapit sa isang panalo para maipagpatuloy ang pagdodomina sa women’s pinweight division.
Hindi rin nilubayan ni Aparri ang nakalabang si Selly Wanimbo para sa 18-8 panalo sa women’s light flyweight division.
Tatangkain ni Aparri na manatiling kampeon sa dibisyon sa pagharap kay Thet Htar San ng Myanmar sa finals, habang si Trinh Diem Kie ng Vietnam ang makakasagupa ni Gabuco ngayong hapon
Si Nesthy Petecio na nag-bye ay magtatangka sa ikatlong ginto kontra kay Peamwliai Laopeam sa bantamweight division.
Si Delfin Galvan na nag-bye rin sa first round at tinalo si Khir Akyazlan ng Malaysia ay lalaban sa finals kontra kay hometown bet Afdan Bachtila sa light welterweight class sa Lunes.
Nagtatangka naman si 2010 Asian Games gold medalist sa flyweight na si Rey Saludar na makapasok sa finals kontra kay Julio Bria ng host country sa semifinals ngayong araw.
- Latest
- Trending