Saludar pasok sa semifinals
PALEMBANG, Indonesia – Umabante sa semifinal round si 2010 Asian Games gold medalist Rey Saludar matapos gulpihin si Changasone Xavy ng Laos, 14-6, sa flyweight class sa 26th SEA Games dito sa Basketall Hall.
Nakakonekta si Saludar ng isang left hook patungo sa kanyang 1-2 combinations laban sa Laotian.
Nakasama ni Saludar sa semifinalis si lightweight Charly Suarez, nagdomina kay Cambodian Phal Sophat, 20-5, sa quarterfinals noong Miyerkules.
Natalo naman si Dennis Galvan kay Khir Akyazlan ng Malaysia sa lightwelterweight class.
Sa women’s division, nasa semis na rin sina Alice Kate Aparri (lightflyweight) at Josie Gabuco (pinweight), habang umabante na sa finals si Nesthy Petecio (bantamweight).
Yumukod naman si Analisa Cruz kay Thai Sopida Satumrum, 12-15, sa flyweight class.
Talsik na rin si Air Force man Junel Cantancio na nakatikim ng 12-25 kabiguan kay Thai Olympic silver medalist Worapoj Petchkoo.
- Latest
- Trending