Sinag Pilipinas asam ANG finals Berth; Perlas tangka ang titulo sa women's
JAKARTA, Indonesia --- Dalawang laro pa ang kailangan ng isang koponan para hiranging kampeon sa basketball event pero ngayon pa lamang ay naaamoy na ni Sinag Pilipinas coach Norman Black ang gintong medalya.
“I’m most satisfied seeing the guys play team basketball,” wika ni Black matapos ang simpleng pagsasanay kahapon bilang paghahanda sa semifinals ngayon.
Makakasagupa ng Sinag Pilipinas ang Malaysia ngayong alas-3 ng hapon at ang panalo ng Nationals ang magtutulak sa koponan na marating ang Finals kalaban ang mananalo sa pagitan ng host Indonesia at Thailand.
Patok ang Pilipinas na mapanatili ang pagdodomina sa men’s basketball matapos ilampaso ang mga katunggali sa Group A na Cambodia, 127-68, Vietnam, 107-53, at Thailand, 103-69.
Masaya si Black sa ipinakikita dahil halos tatlong linggo lamang tunay na nakapaghanda ang koponan dala ng pagkakaroon ng commitment ng mga kinuhang manlalaro sa kani-kanilang collegiate teams.
“All players have been performing well. Everybody wants to share. They’re contributing even when starting or playing off the bench. That’s the character of this team,” ani Black.
Ang Malaysia ang pumangalawa sa Group B tangan ang 2-1 karta at nanalo sila sa Singapore, 67-59, at Myanmar, 100-72, pero natalo sa Indonesia, 45-59.
“There should be no letting up. We need five wins and we’ll do what it takes,” dagdag pa ng mentor na binigyan ang Ateneo ng ikaapat na titulo sa UAAP.
Kasama ng men’s team na maghahangad ng mahalagang panalo ay ang Perlas women’s team na babangga sa Thailand.
Hindi katulad sa men’s division, walang finals na magaganap sa women’s at ang mangungunang koponan matapos ang single round robin ang hihiranging kampeon.
Parehong walang talo ang Thailand at Pilipinas matapos ang dalawang laro at ang mananaig sa bakbakang itinakda ngayong ala-1 ng hapon ang siyang lalabas na kampeon ng liga.
“The team is determined to win the gold,” wika ni women’s coach Haydee Ong na nais na bigyan ang Pilipinas ng kauna-unahang SEA Games gold medal sa women’s basketball.
Mataas ang kumpiyansa ng koponan na babanggain ang Thais dahil dalawang beses nilang tinalo ito tungo sa pagdodomina sa SEABA Women’s Basketball Championships na ginawa sa Pilipinas noong nakaraang taon.
Ito rin ang unang SEABA title ng Pilipinas sa kababaihan.
Tinalo ng Perlas, ang huling asignatura ay ang walang panalong host team, ang nagdedepensang kampeong Malaysia, 64-56, at Myanmar, 57-39, habang ang Thailand ay nanaig sa Indonesia, 61-56, at Malaysia 74-59.
Si Merenciana Arayi ang mangunguna sa koponan na iniaalay din ang mga laro sa kanilang starting center Casey Tioseco na hindi nakalaro dala ng sakit na dengue.
- Latest
- Trending