PALEMBANG, Indonesia --- Tinalo ni Iris Ranola si Rubilen Amit sa All-Filipina finals sa women’s 9-ball event upang pasimulan ang tatlong gintong medalya na kinuha ng Pilipinas pagpasok sa kalagitnaan ng kompetisyon sa 26th SEA Games dito kahapon.
Hiniritan ng 7-2 panalo ni Ranola ang dating kampeon na si Amit para wakasan ang kampanya sa edisyon tangan ang dalawang gintong medalya.
‘Sinuwerte lang tayo, siguro talagang kundisyon at ang motibasyon ko na manalo ang nagbigay sa akin ng lakas,’ ani Ranola, nakatumbok ng dalawang gold medal sa billiards event.
“Masakit din sa loob ko nang lumamang ako sa 6-1 kasi gusto ko ring makabawi rin siya,” sabi ni Ranola kay Amit, ang gold medal winner ng 8-ball at 9-ball event noong 2009 Laos SEA Games.
Bago ito ay nasungkit muna ni Ranola ang gold medal sa 8-ball singles nang hiritan ng 5-1 panalo si Amanda Rahayu ng Indonesia.
Umararo rin ng ginto ang men’s compound team sa archery at si Nancy Quillotes sa judo para tulungan ang Pilipinas na magkaroon ng 18 ginto.
Sa pangunguna ni Earl Benjamin Yap na nag-uwi ng pilak sa individual event, ang men’s team ay nanaig sa Malaysia, 225-221, para pawiin ang bronze medal na pagtatapos ng women’s compound team.
Si Quillotes ay nanaig naman kay Terry Kusunawadan ng Indonesian, 1-0, sa 45kg. division.
Hindi kinaya ng tambalan nina Benjamin Tolentino at Jose Rodriguez na madagdagan ang gintong ibinigay ni Nestor Cordova nang pumangalawa sa doubles scull event sa Cipule Regatta Course sa West Java.
Naorasan ng 6:44.48 sina Tolentino at Rodriguez at kapos ng mahigit na apat na segundo kina Chaichana Thakum at Ruthtanaphol Theppibal na naglista ng 6:40.18 tiyempo.
Hindi naman umubra si Jul Omar Abdulhakim kay Vo Duy Phuong ng Vietnam sa finals sa men’s 50-55 kilogram sa pencak silat para makuntento sa pilak.
Masakit naman ang nangyari kina Jason Balabal at Jimmy Angana na inaasahang mananalo sa freestyle ngunit nakasikwat lamang ng bronze medal.
Si Balabal, nanalo ng ginto sa 84kg. sa Greco Roman, ay natalo kay Methee Tepakam ng Thailand para maisuko ang hawak na titulo sa 84kg-96kg division.
Si Angana ay talo agad sa kanyang unang dalawang laban pero nakalikom siya ng mas maraming puntos upang talunin si Win Hlaing Htwe ng Myanmar para sa bronze medal sa 66kg-74kg division.
Ang opisyal na nalikom pa lamang ng Pilipinas habang isinusulat ang balitang ito ay 3 gold, 3 silver at 2 bronze medals upang magkaroon ng kabuuang 18 gold, 32 silver at 37 bronze medals para manatili sa ikaanim na puwesto.
May 98 gold, 70 silver at 73 bronze medals ang host Indonesia at malayo na sila sa Vietnam (63-62-62), Thailand (55-53-64), Malaysia (34-26-46) at Singapore (30-33-51).