Buenavista, Banayag nabigong maidepensa ang kanilang marathon crown sa SEAG
PALEMBANG, Indonesia --- Naisuko nina Eduardo Buenavista at Jho-An Banayag ang kanilang mga titulo sa marathon para sa malamyang kampanya ng Pilipinas sa athletics event na nagtapos kahapon dito sa Jakabaring Stadium.
Nakita ang kawalan ng magandang kondisyon ni Buenavista nang tumapos lamang sa ikatlong puwesto sa tiyempong 2:29.09 sa 42-kilometrong karera para sa bronze medal.
Ito ang ikalawang karera ni Buenavista sa 26th edisyon ng SEA Games at may senyales na hindi kakayanin na maidepensa ang titulo nang umayaw ito sa nilahukang 10,000-meter run noong Nobyembre 13.
“Medyo kinapos tayo,” sambit ni Buenavista.
Mas maganda pa ang itinakbo ng bagito na si Eric Panique na nagsumite ng 2:28:26 para sa silver medal.
“Talagang mahirap tumakbo kapag ganoon kainit,” wika ni Panique. “Ipinikit ko na lang ‘yung mata ko para hindi ko maramdaman ‘yung fatigue.”
Nabawi ni Yahuza Yahuza ng host country ang titulong isinuko kay Buenavista sa 2009 edisyon sa kanyang oras na 2:27:45 para sa gintong medalya.
Ito ang ikalawang marathon gold ng Indonesian runner sa SEAG dahil siya rin ang tinanghal nakampeon noong 2007 sa Thailand.
Mahinang pang apat na puwesto lamang ang tinapos ni Banayag sa 2:50.40 o mahigit na limang minuto ang layo sa 24-anyos ng Indonesian ‘Super Woman’ na si Triyaningsih na may 2:45.35 bilis.
Ito ang ikatlong ginto ni Triyaningshi sa SEAG matapos dominahin ang mga laban sa 10,000m run (34:52.74) at 5,000m run (16:06.37).
Sa kabuuan, nakapag-uwi lamang ang mga atleta ng PATAFA ng 2 gold, 9 silver at 5 bronze medals.
Sina female long jumper Marestella Torres at 3,000m steeplechase runner Rene Herrera ang matagumapay na nakapagdepensa ng kanilang titulo, habang sina Arniel Ferrera sa hammer throw, Danilo Fresnido at Josie Villarito sa javelin throw ay bigo na mapanatili ang kanilang mga korona.
Humakot ang PATAFA ng 5 gold, 7 silver at 9 bronze medals sa Thailand SEA Games noong 2007.
- Latest
- Trending