Ranola tutumbukin ang ikalawang ginto
PALEMBANG, Indonesia --- Matapos mapagreynahan ang women’s 8-ball singles, walang ibang nais na gawin si Iris Ranola kundi ang kunin ang ikalawang gintong medalya sa 9-ball singles ng 26th SEA Games.
Makakasama niya muli sa kampanya sa nasabing event ang nagdedepensang kampeon na si Rubilen Amit na gustong bumawi matapos makawala ang titulo sa 8-ball nang matalo kay Amanda Rahayu ng Indonesia sa quarterfinals, 5-4.
Naipaghiganti naman ni Ranola ang kababayan dahil si Rahayu ang siya niyang nakalaban sa finals at dinurog sa 5-1 iskor.
“Mas mataas ang kumpiyansa ko ngayon,” wika ni Ranola matapos kunin ang kanyang kauna-unahang gintong medalya sa SEA Games.
Bago ang pagsisimula ng women’s pool ay muntik nang hindi nakasali si Ranola nang kumulapso sa kanyang kuwarto matapos mag-jogging.
Sumikip ang kanyang dibdib at mabuti na lamang ay may nakakita sa kanya at tinulungan siyang makauwi.
Kaso ng dehydration ang dumapo sa kanya sa pagsusuri ng mga medical staff ng pambansang delegasyon.
“Super spicy at oily ang pagkain dito at mainit pa at pagod, kaya siguro nangyari ito. Na-phobia ako kaya wala munang jogging,” dagdag pa ni Ranola.
Ayaw rin niyang magsalita sa gagawing laban sa 9-ball na kung saan sila ni Amit ay nag-bye sa first round.
Makalalaban ni Ranola ang mananalo sa pagitan nina Fathrah Masum ng Indonesia at Chonticha Chitchom ng Thailand sa quarterfinals, habang si Amit ay mapapalaban kay Amornrat Uamduang ng Thailand na tumalo kay Doan Thi Ngoc Le ng Vietnam, 7-1.
“Basta ang gagawin ko lang ay ibigay ang best para manalo,” sambit pa ni Ranola na nais na higitan ang dalawang bronze medal na nakuha sa 9-ball noong 2007 sa Thailand at noong 2009 sa Laos SEA Games.
- Latest
- Trending