Sinag Pilipinas winalis ang Group A

JAKARTA, Indonesia --- Hindi pa rin napigil ang mainit na opensa ng men’s basketball team upang walisin ang Group A sa paglista ng 103-69 demolisyon laban sa Thailand kahapon sa bas­ketball event ng 26th SEA Games na ginaganap sa Britama Sports Mall sa Gelapa Gading, Jakarta.

Umarangkada agad sa unang yugto ang Sinag Pilipinas ni coach Norman Black nang hawakan ang 37-21 bentahe.

Anim na manlalaro sa pa­ngunguna ni Chris Hodge na mayroong 15 puntos, ang umiskor ng doble pigura para tapusin ng tropa ni coach Norman Black ang single round elimination ta­ngan ang 3-0 karta.

“Everybody was sharing the basketball and I think that’s gonna be the main key if we wanna win the championship,” wika ni Black.

Sunod na haharapin ng Pilipinas ang mananalo sa pagitan ng Malaysia at Indonesia sa crossover se­mifinals.

Samantala, nilimitahan ng Perlas Pilipinas sa anim na puntos ang Myanmar sa ikatlong yug­to upang maitakas ang 57-39 panalo sa women's basketball.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng tropa ni coach Haydee Ong matapos talunin sa opening ang Malaysia, 64-56.

Show comments