BEKASI WEST JAVA, Indonesia --- Binigyan ni Walbert Mendoza ang sarili ng magandang pamamaalam sa paglahok sa SEA Games nang kunin ang gintong medalya sa paboritong men’s individual sabre na pinaglabanan kahapon sa University of Brunei dito.
Nanaig sa palitan ng tusok si Mendoza kay Than An ng Vietnam, 15-14, at mabawi ang gintong hinawakan mula 2001, 2003 at 2005 edisyon ng SEA Games.
Nagwakas ang streak ni Mendoza sa 2007 Thailand nang pumangalawa lamang at hindi nagkaroon ng pagkakataon na mabawi ito sa Laos dahil inalis ang fencing bunga ng kawalan ng pasilidad.
Lumayo na si Mendoza sa 13-8 pero tumawag ng timeout si Than at ito ang nakasira sa momentum ng Filipino fencer at nakatabla ang katunggali sa sumunod na palitan.
“Sinikap kong ibalik ang focus sa laro at tinapatan ang pagiging agresibo niya,” wika ni Mendoza na nagsimula maglaro sa SEAG noong 1997 sa Jakarta sa edad na 18- anyos.
Wala nang balak na maglaro pa sa regional games si Mendoza at kontento na nang mabawi ang titulong hawak.
Umaasa naman si national coach Orly Viscayno na madaragdagan pa ang gintong medalya na ito sa pagpapatuloy ng aksyon ngayon.