Natupad ang misyon ni Orcollo sa SEAG
PALEMBANG, Indonesia --- Matapos malaman ni Dennis Orcollo na kasama siya sa national team na lalaro sa 26th SEA Games, isa lamang ang agad niyang ipinasok sa kanyang isipan --- ang manalo ng gintong medalya sa 8-ball event.
“Noong dumating ako rito, umaasa na akong mananalo kaya ngayong nangyari na, kumpleto na ang misyon ko,” wika ni Orcollo.
Para makuha ang gintong medalya, dalawang Indonesian cue artist ang kanyang dinaanan na sina Muhammad Zulfikri at Ricky Yang.
Ngunit parehong hindi umubra ang husay ng mga ito bukod pa sa mainit na suporta ng kanilang mga kababayan matapos kunin ni Orcollo ang 7-4 panalo laban kay Zulfikri sa semifinals at mas nakakamanghang 7-2 panalo kay Yang sa alternate break, race-to-7 format.
Ang panalo ay nagbigay sa 32-anyos na si Orcollo ng kanyang ikalawang SEA Games gold matapos magbunga ang tambalan nila ni Alex Pagulayan sa 9-ball doubles sa 2005 Philippine SEA Games.
Lumahok din siya sa Laos noong 2009 pero umani lamang ng bronze medal sa 9-ball singles.
“Malas ako noon kaya hanggang semifinals lang ang inabot. Pero ngayon magaan na ang loob ko,” dagdag pa ni Orcollo.
Naiwang mag-isa si Orcollo dahil ang kakamping si Warren Kiamco ay nasibak sa quarterfinals laban kay Nguyen Anh Tuan, 7-3.
Pero kita ang tibay ng loob ni Orcollo at masasabing ang naging mabigat na pagsubok ay sa unang laban kontra kay Chan Keng Kwang ng Singapore nang kailanganin niyang humabol mula sa 0-4 at ipanalo ang pito sa sumunod na walong racks na pinaglabanan.
Ang SEAG gold medal ang ikalawang malaking panalo ni Orcollo sa taong ito matapos manaig ang 2010 Guangzhou Asian Games gold medalist sa World 8-Ball Championship sa Fujairah noong Pebrero.
- Latest
- Trending