PALEMBANG, Indonesia - Nagsimula nang dumating ang inaasahang mga gintong medalya ng Pilipinas matapos manalo ng anim ang mga national athletes mula sa apat na sports disciplines na idinaos sa magkakahiwalay na lugar.
Bumandera ang mga lahok sa taekwondo nang magtagumpay sina John Paul Lizardo at Kirstie Elaine Alora, habang sina bowler Frederick Ong, cue artist Iris Ranola, fencer Walbert Mendoza at wrestler Jason Balabal ay nagningning rin.
Bunga ng kaganapang ito, ang Pilipinas ay mayroon nang 14 gold, 18 silver at 24 bronze medals at nananakot na dikitan ang pumapang limang Malaysia na may 16 gold, 17 silver at 28 bronze medals.
Sa mga nanalong ito, kay Mendoza ang naging makulay dahil ito na ang kanyang huling pagkakataon na lalahok sa SEA Games.
Ang malawak na karanasan ng paglalaro ang ginamit ni Mendoza nang manalo sa dikitang 15-14 laban kay Than An ng Vietnam.
Naunang nagpasikat sa araw na ito sina Lizardo at Alora para tapusin ng taekwondo team ang kampanya taglay ang apat na ginto.
Binawian ni Lizardo si Jerranat Nakaviroj ng Thailand, ang tumalo sa kanya sa 2009 sa Laos SEA Games, gamit ang 3-2 panalo.
Pinatahimik naman ni Alora ang manonood na sumusuporta sa kanilang kababayang si Eka Sahara nang kunin ang 3-2 iskor sa women’s heavyweight division.
Nabigo si Alex Briones na maidepensa ang kanyang titulo sa men’s heavyweight nang lasapin ang 2-5 kabiguan kay Rizal Samsir ng Indonesia.
Nagpagulong si Ong, isang bronze medalist ng 2010 Asian Games, ng 1386 puntos at nanalo laban sa kababayan na si Jeremy Posadas na may 1365 iskor.
Si Balabal na pambato sa freestyle ay nanalo sa unang subok niya sa 84 kilogram sa Grego Roman, habang si Ranola ay nanaig kay Manda ng Indonesia sa bisa ng kanyang 5-1 panalo.
Naipaghiganti ni Ranola ang pagkatalo ng kababayan at dating kampeon na si Rubilen Amit sa kamay ni Manda sa 4-5 iskor sa quarterfinals.
Nabigo naman ang men’s tennis team na madagdagan pa ang gintong napanalunan nang yumukod sa host Indonesia, 2-1, at maisuko ang dating hawak na titulo.
Patuloy ang arangkada ng Indonesia sa overall standings mula sa nakolektang 66 ginto, 51 pilak at 44 tansong medalya.
Kasunod ang Thailand (40-27-44), Vietnam (30-35-43) at Singapore (19-20-33) ang umookupa sa sumunod na tatlong puwesto.