Hindi na muna siguro dapat gawing issue ang “age” sa kampo ng Barangay Ginebra.
Isa kasi sa mainit na pinagdedebatehan ngayon ay kung dapat pa rin bang umasa nang todo si coach Bethune “Siot”Taquingcen sa kanyang mga beterano o kailangan na niyang bigyan ng mahabang playing time ang mga batang manlalaro bilang paghahanda para sa isang rebuilding process.
Kay Tanquingcen na rin nagsimula ang issue dahil sa nabanggit nga niya ang diperensya ng kanyang mga beterano’t mga bata. Inihahalintulad kasi niya ang Barangay Ginebra sa ibang koponan.
Eh, kung susuriin ngang mabuti ay makikitang isa ang Gin Kings sa maraming beteranong players na palaging nagtatamo ng injuries.
Iyon ay malaking factor.
Pero hindi naman ang Gin Kings ang maituturing na pinakamatandang team. Mas maraming may edad na players ang Barako Bull, hindi ba?
Ang sabi na ng karamihan, kung ang current line-up ng Barako Bull ay naglalaro five years ago, parang walang tao ang Energy! Pero ngayon kasi ay parang one step slower ang mga beterano ng Barako Bull. Mabuti nga at nasa itaas pa sila ng standings.
Pero hindi naman Barako Bull ang napag-uusapan, eh. Barangay Ginebra ang pinagdedebatehan.
Lalong nagkaroon ng distinction ang mga bata sa mga beterano nang mag-establish si Tanquingcen ng starting five na kinabibilangan nina Robert Labagala, John Wilson, JC Intal, Willy Wilson at Yancy de Ocampo.
Pagkatapos ay unti-unti niyang ipapasok ang mga beteranong sina Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand, Enrico Villanueva, Mike Cortez at Niño Canaleta.
Hindi niya magamit ang injured na si Eric Menk at si Billy Mamaril na pinayagang hindi maglaro upang alagaan ang kanyang maybahay.
Pahapyaw din ang gamit sa mga batang players na sina Jimbo Aquino at rookie Riel Cervantes.
So, dahil may linya sa gitna, nagkakaroon ng argumento. At kung minsan ay nararamdaman ng mga fans na kahit paano’y may mga beteranong nagsisintir.
Okay lang naman kasi sa mga beterano na bawasan ang kanilang playing time at bigyan ng exposure ang mga bata. Pero ito ay kung nagde-deliver ang mga bata.
Pero kadalasan ay lumalabas ang katotohanang hilaw pa sila at minamama at nilalamangan ng kalaban. Tuloy, kapag ipinasok ang mga beterano, malaki kaagad ang pressure na ihabol nila ang kanilang koponan.
Kahit paano’y ‘unfair’ nga naman iyon.
So, para huwag lumala ang sitwasyon, huwag na munang pag-usapan. Tutal, kahit pag-usapan araw-araw, hindi naman magagawan ng paraan na magkaroon ng malawakang balasahan at magpabata nang husto ang Baragay Ginebra.
Hindi puwede ang mabilisan diyan. Sisimulan ng kaunti ngayon, itutuloy sa susunod na Draft hanggang sa tuluyang magkaron ng mga batang superstars na puwede talagang mag-take over.
Hindi puwedeng maging matagumpay ang rebulding process sa isang kisapmata.
** ** **
INAANYAYAHAN ko ang aking mga kaklase sa Kalibo Elementary School – Batch ’75 na dumalo sa ating 1st Grand Reunion sa Disyembre 17, 2011 na gaganapin sa Niño’s Ihaw-Ihaw, Bulwang, Numancia at sa ating 1st Batch ’75 Christmas Party sa Disyembre 18, 2011 sa Adee’s Catering Services Capitol Site, Kalibo.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa akin sa cellphone number 0922-845-6867.
See you there.