DUMAGUETE City ,Philippines – Inangkin ng Cebu City ang overall championship matapos kumuha ng mga gold medals sa lawn tennis, swimming at boxing sa pagtatapos ng Batang Pinoy 2011 Visayas qualifying leg dito.
Humakot ang Cebu City ng kabuuang 52 golds, 37 silvers at 31 bronzes kasunod ang Bacolod City (34-18-23) at host Dumaguete City (27-23-27).
Tinalo ni boer Junrel Jimenez si Albino Tihuk, Jr. ng Sipalay sa 48-second mark ng first round para sa isang referee-stopped contest (RSC) victory sa light pinweight division.
Ibinigay naman ni Hipolito Banal, Jr., nakababatang kapatid ni World Boxing Organization Asia Pacific bantamweight champion AJ “Bazooka” Banal, ang ikalawang ginto ng Cebu City sa boxing mula sa kanyang 5-0 win laban kay Daniel Folio ng Dumaguete sa paperweight class.
Lumangoy ang mga Cebu City tankers ng kabuuang13 golds, 16 silvers at 9 bronzes sa swimming event para ungusan ang Bacolod City na may 13 golds, 10 silvers at 10 bronzes, habang ang host Dumaguete ay kumuha ng 10 golds, 10 silvers at 11 bronzes.
Lima sa anim na gintong medalya ang inangkin ng Cebu City sa lawn tennis.
Ito ay mula sa kanilang mga panalo mula sa girls’ singles, boys’ singles, girls’ doubles, boys’ doubles at mixed doubles.
Samantala, idaraos ng Philippine Sports Commission ang arnis national finals sa PhilSports Arena sa Pasig City kasabay ng National Capital Region qualifying leg na gagawin sa University of Makati sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 2.
Matapos ang Visayas qualifying leg, dadalhin ang event ng Batang Pinoy sa Baguio City para sa Northern Luzon leg sa Nobyembre 24-27.