PALEMBANG, Indonesia -- Ngayong araw pa lamang magsisimula ang boxing pero nakatiyak na ang Pilipinas ng isang pilak sa women’s boxing.
Si Nesthy Petecio ang siyang pinalad na makapag-bye sa unang laban sa 54-kilogram division na nilahukan lamang ng tatlong bansa.
Muntik ng binura sa talaan ng kompetisyon ang nasabing dibisyon dahil si Petecio lamang ang nagpatala ngunit nakumbinsi ang Thailand at Vietnam na magpasok ng lahok kaya’t itinuloy ang laban.
“Walang problema na kumbinsihin ang ibang bansa dahil mas magiging madali ang hanap nilang medalya sa timbang na ito,” wika ni ABAP executive director Ed Picson matapos saksihan ang draw.
Ang ibang kasapi ng national boxing team na sasalang sa first round ay sina Mark Anthony Barriga at Delfin Boholst ang siyang magtatangkang bigyan ng magandang panimula ang laban ng Pilipinas.
Makakasuntukan ni Barriga na lalaro rin sa 2012 London Olympics si Denisius Hitahitirun ng Indonesia sa light flyweight, habang si Boholst ay sasabak sa malakas na si Apinchet Sanenset ng Thailand sa 69 kilogram division.
Ang iba pang aasahan ng bansa ay sina Asian Games gold medalist Rey Saludar, Laos SEAG gold medalist Charlie Suarez, Junel Cantancio at Dennis Galvan sa kalalakihan habang sina 2009 gold medalist Josie Gabuco at Alice Kate Aparri ang makakasama ni Petecio sa kababaihan.
Kinokonsidera ang Thailand pa rin ang mabigat na kalaban ng mga pambansang boksingero. (