Cordova sumagwan sa finals ng single sculls; Amposta at Ilas sumegunda sa kanilang heat
BEKASI, West Java, Indonesia – Magaang na nanalo si Nestor Cordova sa kanyang heat upang makaabante sa finals ng men’s 2000-meter single sculls sa rowing competition ng 26th Southeast Asian Games dito sa Cipuli Lake kahapon.
Kumarera sa lane 3, kaagad na umarangkada si Cordova sa isang three-man race kung saan siya nakalayo ng 100 metro laban kina Indonesian rower Anang Mulyana at Vietnam bet Luong Duoc Than.
Walang naitalang official time dahil sa pagbagsak ng operasyon sa venue.
“Masarap ang pakiramdam,” sabi ng 34-anyos na tubong Murcia, Negros Occidental na humalili sa puwesto ni two-time SEA Games champion Benjie Tolentino.
Kasama ni Cordova na kumuha ng silver medal sa doubles sculls ng 2007 Thailand SEA Games si Alvin Amposta.
Matapos magwagi sa heat, pupuwesto si Cordova sa finals bukas.
Sumegunda naman sina Amposta at Edgar Ilas sa heat ng men’s 200-meter double sculls.
“Di ko na rin kinaya kasi nahilo si Ilas sa last 250 meters,” sabi ni Amposta na tinapos ang kanilang heat ni Ilas sa oras na 7 minuto at 20.05 segundo.
Ang Indonesian pair nina Jamaluddin at Irham ang nanguna sa heat sa kanilang tiyempong 7:09.22, habang pumangatlo naman ang Myanmar team nina Kyau Min Tun at Taan Aung (7:45.83).
Sinabi ni coach Edgar Maerina na nakaranas si Ilas ng heat stroke na nagresulta sa kanyang pagkahilo habang nasa gitna ng laban.
Lalahok ang Filipino duo sa repechage ngayong alas-3 ng hapon sa hangaring makapasok sa finals ng kanilang event.
“May pag-asa pa si Amposta at Ilas kasi isa ang malalaglag out of the seven teams competing dito sa finals,” wika ni Maerina.
Nakatakda ring sumabak sa kanilang heat sina Eda Jecksie Maerina, anak ni coach Maerina, at Johnalyn Pedrita sa women’s doubles sculls.
Sasagwan naman sina Tolentino at Jose Rodriguez sa men’s double sculls para sa pagdedepensa ng kanilang doubles sculls title na kanilang nakopo sa Thailand SEA Games noong 2007.
Kumpiyansa sina Tolentino, kumampanya sa Olympic Games, at Rodriguez na makakaabante sila sa finals
- Latest
- Trending