PALEMBANG, Indonesia -- Idinagdag ni Dennis Orcollo sa kanyang koleksyon ang ginto sa men’s 8-Ball singles sa 26th SEA Games nang manalo sa pambato ng host country na si Ricky Yang, 7-2, sa finals ng torneo na nilaro kahapon sa Jakabaring Billiard Arena dito.
Nagpakita ng talim sa paglalaro upang mapanghawakan ang mataas na estado sa kompetisyon, kinuha ni Orcollo ang unang dalawang racks sa kanilang race-to-seven finals.
Binuhay ni Yang ang mga manonood nang manalo sa third rack ngunit rumatsada ang Filipino cue-artist na nanalo rin ng ginto sa Guangzhou Asian Games at kinikilala bilang number one player ng World Pool Association, nang kunin ang sumunod na apat na frames at lumapit sa hill.
Isang error ni Orcollo ang kinapitalisa ni Yang para makadalawa pero hindi napigil ng Indonesian player ang napipintong panalo nang mapakawalan ang ninth rack tungo sa tagumpay ng katunggali.
“Tinalo niya ako nang huli kaming naglaban kaya talagang naghanda ako sa laban namin,” wika ni Orcollo na kinikilala bilang pinakamahusay sa larong 8-ball matapos dominahin ang World 8-ball Championship noong Pebrero sa Fujairah, United Arab Emirates.
“Wala akong naging problema sa laro ko dahil maganda ang latag ng bola at pati break ko. Gusto ko ding makatulong para madagdagan ang ginto ng Pilipinas,” ani Orcollo.
Nag-bye sa first round, unang tinalo ni Orcollo si Chan Keng Kwang ng Singapore, 7-5, sa quarterfinals bago isinunod si Muhammad Zulfikri ng Indonesia, 7-4, sa semifinals.
Lalabas na ikalawang gintong medalya ito ni Orcollo sa SEA Games dahil nanalo sila ni Alex Pagulayan sa 9-ball doubles noong 2005 SEAG sa Pilipinas.
Isa pang medalya ang magmumula sa women’s 8-ball singles dahil nasa semifinals si Iris Ranola.
Tinalo ni Ranol si Huynh Thi Ngoc Huy ng Vietnam, 5-1, bago isinunod si Suhana Dewi ng Singapore, 5-4.