PALEMBANG, Indonesia -- Matapos ang matumal na araw kamakalawa, humataw muli ang mga atleta ng Pilipinas nang makapaghablot ng tatlong ginto sa ikatlong araw ng kompetisyon sa 26th SEA Games dito.
Ipinamalas ni Dennis Orcollo kung bakit siya ang kinikilala bilang World champion sa larangan ng 8-Ball, napanatili ni Margarito Angana ang pagdodomina sa 55 kilograms sa wrestling, habang ang mga kinatawan sa bridge ay kuminang para mapag-init uli ang laban ng bansa.
Walang binatbat ang mga Indonesian cue artist na sina Muhammad Zulfikri at Ricky Yang nang daanan lamang ni Orcollo patungo sa ginto sa men’s singles 8-ball na natapos kahapon sa Jakabaring Billiard Arena.
Pinatalsik ng 32-anyos na si Orcollo na siya ring No. 1 player ng World Pool Association (WPA) na si Zulfikri, 7-4, sa semifinals bago tumbukin ang 7-2 panalo laban kay Yang sa Finals.
Tuluyan namang ipinakita ng 28-anyos na si Angana na maayos na ang injury na tinamo nito noong 2010 Guangzhou Asian Games nang dominahin ang nakalabang Vietnamese sa 6-0 at 6-2 iskor.
“Nagbunga rin ang lahat ng paghihirap, sana magtuluy-tuloy na ito para sa team,' ani Angana.
Sa men’s buttler sa bridge nanggaling ang ikatlong gold.
Lumaban rin sa finals ang mga taekwondo jins, karatedo at diving pero hindi kumapit ang suwerte at nakontento sa pilak.
Kinapos sina Orencio delos Santos, Jayson Ramil Macaalay at Ronnel Balingit sa finals match laban sa Indonesia, 3-0, sa men’s team kumite.
Ang women’s team nina Mae Soriano, Erica Samonte at Racquel Luzarez ay kumubra ng bronze sa kanilang dibisyon at ang karatedo ay nakapag-uwi ng kabuuang isang silver at anim na bronze medals sa pagtatapos ng event.
Sina Niño Carog at Jaime Asok ay nagtambal tungo sa pilak sa men’s 3-m synchronized springboard sa nakuhang 342.99. Ang Malaysia ang umani ng ginto sa 392.31 puntos.
Nanatiling nakapako sa dalawang ginto ang kontribusyon ng taekwondo dahil si Jose Anthony Soria na umabante sa finals sa men’s middleweight ay yumukod kay Basuki Nugroho ng Indonesia.
Si women’s finweight Leigh Anne Nuguit at flyweight na si Fil-Am Pauline Lopez na humalili sa puwesto ng na-injured na Olympian Toni Rivero, ay natalo sa quarterfinals para makontento sa bronze.
Naghatid naman si cyclist Mark Guevarra ng isa pang bronze sa cycling 50.7 individual time trial nang maorasan ng 1:53.11.41.
Napunta uli ang ginto sa host na kinatawan ni Tonton Susanto sa 1:49:19.60 habang si Darren Low ng Singapore ang kumuha sa pilak sa 1:53:11.41.