MANILA, Philippines - Bumalik sa pagsosyo sa liderato ang aasintahin ng Big Chill sa pagpapatuloy ng elimination round ng 2011 PBA D-League Aspirants Cup ngayon sa Yñares Arena sa Pasig City.
May dalawang dikit na tagumpay ang Superchargers na babanggain ang wala pang panalong DUB Unlimited sa ikalawang laro sa alas-4 ng hapon.
Unang magsusukatan ng lakas ang Café France at RnW Pacific Pipes sa ganap na alas-2 ng hapon.
Kapwa nangangailangan ng panalo ang nasabing dalawang koponan para makaangat sa kinalulugarang puwesto sa team standings.
Mas maganda ang karta ng Steel Masters dahil may isang panalo na sila sa tatlong laro habang ang Bakers ay may dalawang dikit na kabiguan.
Ang mangungunang dalawang koponan matapos ang single round robin eliminations ang diretsong aabante sa semifinal round, habang ang mga teams na nasa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto ay maglalaro sa quarterfinals.
Nasa unahan ang Cebuana Lhuilier at Freego Jeans sa 3-0 karta kaya kung makaisa pa ang Big Chill ay magiging tatlo ang mamumuno sa naturang torneo.
Sina Raffy Reyes, Jessie Collado at Alex Mallari ang mga magtutulong-tulong para sa koponan ng Big Chill, habang sina Jeric Teng, Raymond Aguilar at Bam Bam Gamalinda ang bubuno sa DUB Unlimited sa hangaring mawakasan ang nararanasang kamalasan.