B-Meg Llamados itinumba ang Alaska Aces
MANILA, Philippines - Gumawa ng career-high 22 points si rookie Mark Barroca, habang walong puntos ang ibinuhos ni James Yap sa ikalawang overtime para makuha ng B-Meg Llamados ang 92-89 panalo laban sa Alaska sa 37th PBA Philippine Cup kagabi sa Smart-Araneta Coliseum.
Hindi naglaro sa tropa ni coach Tim Cone si Peter June Simon pero hindi nila naramdaman ang kanyang kawalan dahil pinunuan ni Barroca ang nasabing slot matapos ang kahanga-hangang 10-of-14 shooting.
“Hindi ko expected na ganito ang ilalaro ko. Pero kahit na ilan ang ibigay na minuto sa akin ay ibibigay ko lagi ang 100 percent ko,” wika ni Barroca na naghatid lamang ng dalawang puntos sa huling laro ng koponan laban sa Meralco na kanilang tinalo, 95-79.
Huling tikim ng kalamangan ng Aces ay sa buslo ni Bonbon Custodio, 83-82, bago kumawala ng pabiting tira si Yap at isang baseline jumper si Barroca tungo sa 88-84 abante may 1:36 sa orasan.
May 24 puntos si Yap para pangunahan ang Llamados na may tatlong sunod na panalo tungo sa pagsalo sa Meralco sa ikalima at anim na puwesto sa 5-4 karta.
“It’s a big character game for us having won a double overtime game against Alaska. We’re a little bit tired and a little bit sluggish but we kept on hangin in there,” wika ni Cone na may 2-0 karta na sa dating hinawakang koponan.
May 28 puntos si Tenorio pero inatake siya ng pulikat at di na nagamit sa ikalawang overtime para lumamya ang laro ng Aces at nalaglag sa ikapitong kabiguan sa walong laro.
Nagdagdag si Cyrus Baguio ng 17 markers para sa Alaska.
B-Meg 92 - Yap J. 24, Barroca 22, Raymundo 14, Pingris 10, De Vance 9, Maierhofer 5, Urbiztondo 2, Ferriols 2, Reavis 2, Yap R. 2.
Alaska 89 - Tenorio 28, Baguio 17, Reyes 14, Thoss 13, Baracael 7, Custodio 4, Dela Cruz 4, Eman 2, Salamat 0, Sotto 0.
Quarterscores: 22-25; 34-35; 56-53; 73-73; 80-80 (1st OT); 92-89 (2nd OT).
- Latest
- Trending