JuanMa nag-iisip nang magretiro makaraang mabigo kay Manny

LAS VEGAS --- Matapos ang kanyang ikalawang sunod na kabiguan kay Manny Pacquiao, sinabi ni Mexican Juan Manuel Mar­quez na wala pa siyang naiisip na plano para sa susunod na taon.

 Ito ay dahilan na rin sa kawalan na ni­ya ng tsansang muling makasagupa si Pacquiao.

Sa nakasaad na rematch clause sa ka­nilang fight contract, magkakaro­on la­mang ng pang apat na laban sina Pac­quiao at Mar­quez kung nanalo ang Me­­xican world lightweight champion.

"It would be difficult to fight him again. I may retire, I may fight again,” sabi ng 38-anyos na si Marquez.

Sa kanilang unang paghaharap noong 2004, tatlong beses pinabagsak ni Pacquiao si Marquez sa first round.

Subalit isang kontrobersyal na draw ang nailusot ni Marquez sa huli.

Sa kanilang laban kagabi, kinondena ni Marquez ang tatlong jud­ges na huma­wak sa kanilang ‘trilogy’ ni Pac­­quiao.

“It's hard fighting a fighter and the three jud­ges at the same time," wika ng Mexican world three-division tit­list. “I hope the judges score what they see, not like the other two fights when they were not impartial.”

Nang ihayag ang desis­yon para sa panalo ni Pacquiao, maraming mga fans ang nagsigawan bilang pro­testa.

Pinasalamatan naman ni Marquez ang kanyang mga fans.

“I would like to thank all the people that came to the arena. This time we not only beat him in the ring but also in the audience. The people were rooting for me and we are very happy for that,” wika ng Mexican.

Naniniwala pa rin si Mar­quez na siya lamang ang tanging boksingerong ma­kakatalo kay Pacquiao ba­gamat nabigo siya via split decision sa kanilang re­­match noong 2008 kung saan inagaw sa kanya ng Filipino boxing icon ang su­ot niyang WBC super fea­therweight title.

“You need to win fights like this with intelligence and I was very intelligent tonight,” ani Marquez. “Styles make fights and I think my style is complicated for his style.”

Ang pagiging counter-puncher ni Marquez ang nauna nang sinabi ni trainer Freddie Roach na magi­ging malaking problema ni Pac­quiao.

Show comments