JuanMa nag-iisip nang magretiro makaraang mabigo kay Manny
LAS VEGAS --- Matapos ang kanyang ikalawang sunod na kabiguan kay Manny Pacquiao, sinabi ni Mexican Juan Manuel Marquez na wala pa siyang naiisip na plano para sa susunod na taon.
Ito ay dahilan na rin sa kawalan na niya ng tsansang muling makasagupa si Pacquiao.
Sa nakasaad na rematch clause sa kanilang fight contract, magkakaroon lamang ng pang apat na laban sina Pacquiao at Marquez kung nanalo ang Mexican world lightweight champion.
"It would be difficult to fight him again. I may retire, I may fight again,” sabi ng 38-anyos na si Marquez.
Sa kanilang unang paghaharap noong 2004, tatlong beses pinabagsak ni Pacquiao si Marquez sa first round.
Subalit isang kontrobersyal na draw ang nailusot ni Marquez sa huli.
Sa kanilang laban kagabi, kinondena ni Marquez ang tatlong judges na humawak sa kanilang ‘trilogy’ ni Pacquiao.
“It's hard fighting a fighter and the three judges at the same time," wika ng Mexican world three-division titlist. “I hope the judges score what they see, not like the other two fights when they were not impartial.”
Nang ihayag ang desisyon para sa panalo ni Pacquiao, maraming mga fans ang nagsigawan bilang protesta.
Pinasalamatan naman ni Marquez ang kanyang mga fans.
“I would like to thank all the people that came to the arena. This time we not only beat him in the ring but also in the audience. The people were rooting for me and we are very happy for that,” wika ng Mexican.
Naniniwala pa rin si Marquez na siya lamang ang tanging boksingerong makakatalo kay Pacquiao bagamat nabigo siya via split decision sa kanilang rematch noong 2008 kung saan inagaw sa kanya ng Filipino boxing icon ang suot niyang WBC super featherweight title.
“You need to win fights like this with intelligence and I was very intelligent tonight,” ani Marquez. “Styles make fights and I think my style is complicated for his style.”
Ang pagiging counter-puncher ni Marquez ang nauna nang sinabi ni trainer Freddie Roach na magiging malaking problema ni Pacquiao.
- Latest
- Trending