Sakripisyo ni Marestella nagbunga ng gold medal
Palembang - Bumawi si Marestella Torres ang hindi magandang ipinakita sa malalaking kompetisyon na sinalihan noong nakaraang taon nang kunin ang ginto sa paboritong long jump event sa pagbubukas ng athletics competition kahapon sa 26th SEA Games dito sa Jakabaring Sports City.
Hindi isang ordinaryong panalo ang ginawa ni Torres dahil binura niya ang kanyang SEAG record na 6.68m na itinala niya noong 2009 sa Laos matapos lumundag sa 6.71 meters at sa mainit na panimula ng kampanya ng mga ‘GTK Army’.
Ang 30-anyos na si Torres ay nagkaroon lamang ng tatlong opisyal na attempts dahil foul ang tatlong ibang attempts nito ngunit hindi naapektuhan ang hangaring tagumpay ng pambato sa women’s long jump nang itala ang marka sa ikatlong lundag.
“Determinado talaga ako matapos ang nangyari sa akin sa Asian Games sa Guangzhou last year na expected ako manalo pero nag-fourth place lang,” wika ni Torres na selyado rin ang panalo kahit hindi nakagawa ng bagong record matapos masukat sa 6.65m at 6.61m ang una at pang anim niyang lundag.
Hindi naging madali ang pagbangon na ito ni Torres dahil binalak na niyang magretiro matapos ang kabiguan sa Guangzhou Games noong 2010.
“Hindi ako nag-training ng dalawang buwan pero hinikayat ako ng coaching staff, team mates ko at si Mr. Go na bumalik. Hirap din ako sa training dahil wala kaming sariling venue at palipat-lipat ng lugar na pinagsasanayan,” dagdag pa nito.
Ngunit kapalit ng mga pagsubok na ito ay ang matamis na tagumpay dahil ito na ang kanyang ikaapat na long jump gold medal sa SEA Games mula pa noong 2005 na idinaos sa Pilipinas.
Higit dito, ang 6.71 meters marka ay nagbigay rin kay Torres ng tiket para sa London Olympics sa 2012 dahil pasok ito sa Olympic qualifying B standard na 6.65 meters.
Ang A standard ay nasa 6.75 meters.
“Masaya ako sa nagawa ko dahil sa pinagdaanan ko. Andoon pa rin ang strength ko sa mga distansya ng lundag ko. Ngayon ay paghahandaan ko nang husto ang London Olympics,” wika pa ni Torres na kasapi rin sa Olympic Solidarity Program ng POC.
Sa kompetisyong ito lumabas din ang posibleng magiging kapalit ng SEAG long jump queen dahil ang 20-anyos na mag-aaral ng University of Baguio na si Katherine Santos ang siyang sumungkit ng bronze medal sa 6.25m marka.
“Malakas ang hangin kaya medyo nahirapan ako,” sambit ni Santos na kinapos ng 22 sentimetro kay Maria Londa ng Indonesia na siyang nag-uwi ng pilak sa 6.47m marka.
- Latest
- Trending