Valdez masusubukan sa shooting
PALEMBANG - Gaano kagaling si Jayson Valdez kung kahanay ang mga shooters mula sa Southeast Asia.
Ito ang malalaman dahil sa araw na ito sasalang ang 16 anyos na manlalaro sa paboritong 10-meter air rifle event.
Si Laos SEA Games gold medalist sa rapid fire Nathaniel ‘Tac’ Padilla ay puputok rin sa 25-m standard pistol, habang ang isa pang beteranong si Emerito Concepcion ay mapapalaban sa 50-m rifle prone.
Ang dalawang shooters ay may kakayahan ring umani ng medalya sa kanilang lalahukan events pero ang mata ay tiyak na ipupukol kay Valdez na nasa unang pagkakataon na lalaro sa regional games na ginagawa tuwing ikalawang taon.
Sa murang edad ay si Valdez na ang may hawak sa Philippine record sa kanyang ipinutok na 595 at sa nilahukang Southeast Asian Shooting Association Championships ay nagwagi ito ng pilak.
“Jayson is full of talent and is a warrior at heart,” sabi ni Philippine National Shooting Association (PNSA) president Dr. Mikee Romero.
Hanap ng shooting team na mahigitan ang isang ginto na nakuha sa Laos na naibigay ni Padilla.
Palaban pa rin ang 47-anyos negosyanteng si Padilla dahil hangad niyang madagdagan ang limang ginto na nakolekta sa 16 na paglahok sa beinnial meet.
Samantala sa Jakarta, nabigo naman sina kayak entry Alex Generalo at canoe racer Dany Funelas na makuha ang gintong medalya.
Nagtala sina Generalo at Funelas ng mga oras na 4:11.750 at (4:48.070) sa men’s 1,000-meter sa kayak at 1,000m event sa canoe, ayon sa pagkakasunod, para parehong tumapos bilang pang lima.
Si Thai Wichan Jaitieng (3:55.590) ng Thailand ang kumuha ng ginto sa kayak at si defending champion Eka Octarorianus (4:16.000) ng Indonesia sa canoe.
- Latest
- Trending