MANILA, Philippines - Nagpasikat ang mga shooters ng Blackwater para maisulong ang 3-0 rekord mula sa 92-86 tagumpay laban sa Café France sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Lyceum Gym.
Gumawa ng 18 puntos si Jeric Fortuna, habang sina Isiah Ciriacruz at Clark Bautista ay may 17 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod, para masolong muli ng Elite ang liderato.
Sina Ciriacruz at Bautista ang nagsanib ng puwersa sa third period nang iwanan ng Elite ang Bakers matapos ang first half.
“Masama ang shooting namin pero hindi nagpabaya ang mga bata sa bawat possession. Key to this win was we stayed in control, “ wika ni coach Leo Isaac.
Angat lamang ng isa ang Elite, 53-52, nang magpakawala ng mga tres sina Ciriacruz at Bautista para matapos ang ikatlong yugto na angat ang nasabing koponan ng 73-62.
Lumayo pa sa 92-73 ang Elite may dalawang minuto na lamang sa orasan bago lumamya ang depensa para mabawasan ang kalamangan sa anim.
Sa ikalawang laro, nagbunga naman ang pag-atake ni Kevin Racal sa depensa ng DUB Unlimited nang maipasok ang go-ahead basket patungo sa 78-77 panalo ng RnW Pacific Pipes.
Inangkin ni Racal ang 10 sa huling 12 puntos ng kanyang koponan para sa kanilang panalo.