MANILA, Philippines - Mataas pa rin ang tiwala ni PSC chairman Ricardo Garcia sa ipapakita ng delegasyon na lalaban sa 26th SEA Games sa Indonesia kahit natalo ang under-23 men’s football team.
“The athletes remain in high spirits despite the bad news,” wika ni Garcia kahapon sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue.
Ang ‘bad news’ ay ang 0-2 karta na tangan ngayon ng under-23 men’s football team dahilan upang malagay sa peligro ang hangaring makaabante sa semifinals ng football event.
Lumagapak ang koponang binubuo ng mga Fil-foreign players sa Timor Leste, 2-1, matapos lasapin ang 3-1 kabiguan sa Vietnam.
“Hindi naman kulang ang talento ng mga players natin. Pero ang mga kalaban ay naglalaro na sa loob ng mahabang panahon. Makikita mo ito sa kanilang team work, habang nangangapa naman ang players natin,” ani Garcia sa Young Azkals.
Pero, hindi naman nasisira ang kanyang loob sa paniniwalang mahihigitan ng Pilipinas ang pang limang puwestong pagtatapos sa 2009 SEA Games sa Laos at buo pa rin ang inaasahang 70 hanggang 80 gintong medalya sa 26th SEA Games na lalaruin sa Palembang, Jakarta at West Java.
Tinuran ni Garcia ang husay ng mga Filipino athletes sa larangan ng boxing, taekwondo, billiards, athletics, swimming, chess, judo, tennis at cycling.
“With all these sports events, I guess we are on target as far as winning gold medals is concern,” ani Garcia.