MANILA, Philippines - Palembang—Dalawang araw bago ang pormal na pagbubukas ng 26th Southeast Asian Games, aligaga pa rin ang mga organizers hinggil sa kanilang problema sa accommodations ng mga delegasyon.
Tatlong luxury ships ang ipinangakong ipapahiram ni businessman Tommy Winata, ang local version ni Ambassador Eduardo ‘Danding’ Cojuangco, para matuluyan ng halos 1,200 indibidwal.
Ang pagdating naman ng mga royalties at VIPs (very important persons) mula sa 10 pang member nations ang nagpapasakit ng ulo ng siyudad na mamahala sa 19 sports events ng 2011 SEA Games.
Personal na nasaksihan ni Philippine Deputy Chief of Mission Romeo Magat ng lawn tennis ang pagkalito ng mga local organizers.
Ang siyudad ay mayroon lamang tatlong five-star hotels at apat na four-star hotels.
“It’s like walking a tight rope,” wika ni Magat dumating sa Jakarta noong Biyernes ng hapon.
Sinabi naman ni Magat na ang mga bagong gawang venues at athletes’ village sa loob ng 320-hectare property sa Jakabaring district ay handang-handa na.
Ngunit malalagay lamang sa alanganin kung biglang uulan.
Bagamat maraming bilang ng mga volunteers para sa 2011 SEA Games, hindi naman masyadong makapagsalita at makaintindi ng wikang Ingles ang mga ito.
Bahasa ang lengguwahe sa Indonesia.