HOLLYWOOD 0--Hindi na sikreto na humahanga si Evander Holyfield, ang dating undisputed heavyweight champion, kay Manny Pacquiao.
Minsan na niyang sinabi na kung sinuman ang makalaban ng Filipino superstar ay tiyak na nasa isang malaking kapahamakan. At kabilang na rito si Juan Manuel Marquez.
Binisita ni Holyfield, ang five-time heavyweight champion, si Pacquiao sa kanyang La Palazzo apartment habang naghahanda ang huli patungo sa Las Vegas.
Pinakinggan ni Pacquiao si Holyfield.
Sinabi ng adviser ni Pacquiao na si Mike Koncz na dumalaw si Holyfield ng tanghali at nakipagkuwentuhan kay Pacquiao.
Hindi naman nagtagal ang pag-uusap ng dalawa.
Sa isang interview sa www.8countnews.com, binalaan ni Holyfield si Marquez sa opening bell pa lamang ng kanilang laban ni Pacquiao sa Linggo sa Las Vegas.
“If you fight Manny Pacquiao, you better be ready. If you ain’t ready, you are in trouble. When that bell rings, he is coming. He is coming and he is going to throw a lot of punches at you,” ani Holyfield.
Hinahangaan ni Holyfield si Pacquiao dahilan sa magandang ugali nito sa labas at loob ng boxing ring.
“He is a great ambassador for the sport of boxing. The way in which he carries himself and how he treats his fans is what separates him from the rest,” ani Holyfield.
Nauna kay Holyfield na bumisita kay Pacquiao si NBA superstar Kobe Bryant, ng Los Angeles Lakers na nanood sa ensayo ni Pacquiao sa Wild Card Boxing Gym.
Ilang Hollywood stars rin ang dumalaw kay Pacquiao sa gym, kabilang ito sina Mark Wahlberg, John Cho at Giovanni Ribisi.