MANILA, Philippines - Umiskor si Kelly Fisher ng Great Britain ng isang 9-4 panalo laban kay Yu Han ng China upang angkinin ang unang finals berth sa 2011 Yalin Women’s World 10-Ball Championship sa Robinson’s Galleria.
Ipinagpag ng 33-anyos na si Fisher ang pagkakatabla ni Yu sa 3-3 para sa kanyang finals appearance.
Ito ang unang pagkakataon na nakarating sa finals ng anumang pool events si Fisher, dating snooker at English billiards champion.
"I made the semifinals of the World 9-Ball event once but I never made it as far as the finals like now, that's why I'm so excited and happy to be here," wika ni Fisher.
Huling nagreyna si Fisher noong 2008 sa WBPA Pacific Coast Classic.
Umabante si Fisher sa finals na walang nalasap na kabiguan.
Hangad ni Fisher na sundan ang mga dating kampeong sina Rubilen Amit at Jasmin Ouschan ng Austria.
Si Amit ang nagwagi sa unang edisyon ng torneo noong 2009 kasunod si Ouschan noong 2010.
Premyong $20,000 ang naghihintay sa magkakampeon sa torneo.
Winalis ni Fisher ang Group Five mula sa kanyang 5-0 record kagaya ni Norweigian Line Kjorsvik, ginitla ni Korean Ga Young Kim, 4-8, sa round-of-16.
Kabilang sa mga binigo ni Fisher ay sina Japanese Akimi Kajitani, 8-3, at Taiwanese Hui Shian Lai, 8-5.
Lalabanan ni Fisher sa finals ang mananaig sa pagitan nina Korean Ga Young Kim, ang 2010 runner-up, at Taiwanese Tsai Pei Chen, sumibak kay Amit, 8-7, sa quarterfinals.