Yeo bida sa panalo ng Petron; TNT magpapalakas naman
MANILA, Philippines - Humugot si Joseph Yeo ng 11 sa kanyang game-high 27 points sa final canto upang tulungan ang Petron Blaze sa 86-80 paggupo sa Alaska sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup kagabi sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Nagdagdag si Yeo ng 9 rebounds at 4 assists para sa 4-3 rekord ng Boosters.
Samantala, mula sa isang linggong team building sa Baguio City, sasagupain ng nagdedepensang Talk ‘N Text ang Barangay Ginebra ngayong alas-6:30 ng gabi sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
Sa unang laro sa alas-4 ng hapon ay magtatagpo naman ang Barako Bull at Powerade.
Nanggaling ang Tropang Texters sa 96-86 panalo laban sa Petron Blaze Boosters noong Oktubre 28, habang nakalasap naman ang Gin Kings ng isang 87-93 kabiguan sa Meralco Bolts noong nakaraang Biyernes.
“Hopefully, we can make another run this season,” sabi ni coach Chot Reyes, iginiya ang PLDT franchise sa kampeonato ng nakaraang PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup bago natalo sa Petron sa championship series ng Governors Cup.
Tangan pa rin ng Rain or Shine ang liderato sa kanilang 6-1 baraha sa itaas ng Talk ‘N Text (4-1), Barako Bull (4-2), Meralco (5-3), Barangay Ginebra (3-3), Petron Blaze (4-3), B-Meg (3-4), Alaska (1-6) at Shopinas.com (0-7).
Sina PBA Most Valuable Players Kelly Williams at Jimmy Alapag ang muling babandera sa Tropang Texters katuwang sina Harvey Carey, Jayson Castro at Ranidel De Ocampo.
Sa unang laro, asam naman ng Tigers na maduplika ang kanilang 108-94 paggupo sa Boosters sa pakikipagharap sa Energy.
Nakalasap ang Barako Bull ng isang 72-93 pagkatalo sa Alaska noong Nobyembre 2 na pumigil sa kanilang three-game winning streak.
Sa naturang pananaig sa Petron, kumamada si Gary David ng game-high 42 points para banderahan ang Powerade, muling aasa rin kina No. 1 overall pick JV Casio, Fil-Am rookie Marcio Lassiter, Doug Kramer at Sean Anthony.
- Latest
- Trending