Napakasarap ng pakiramdam kapag kinakatawan mo ang iyong bansa sa isang international competition. Proud na proud ka na ipinakikita sa lahat ng katunggali ang husay mo bilang isang Pilipino. Proud na proud lahat ng kamag-anak at kaibigan mo. At natural ding ipinagkakapuri ka ng sambayanan lalo na’t kapag nagwagi ka at tinugtog ang ‘Lupang Hinirang.’
Ang pinag-uusapan natin ay hindi lang sa daigdig ng sports kundi sa iba’t ibang aspeto ng buhay-beauty contest, patalinuhan, pagalingan sa siyensya at iba pa.
Napakarami ang naghahangad na katawanin ang kanilang bansa at makipagtagisan ng talino’t lakas sa iba’t ibang citizens of the world. Pero iilan lang ang nabibigyan ng ganitong klaseng pagkakataon.
Kaya nga kapag nabigyan ng pagkakataon, sinasagpang ito kaagad. Walang second thoughts. Hindi ito pinalalampas. Kasi sa pag-usad ng panahon, whether or not nagtagumpay ang isang Pilipino sa international contest na nilahukan niya, maikukuwento niya sa kanyang mga anak at apo ang karanasang ito at gugunitain siya ng mga susunod na henerasyon.
Bakit ko sinasabi ito ngayon?
Well, nanghihinayang kasi ako sa pangyayaring tinanggal sa line-up ng Sinag Pilipinas o men’s basketball team para sa Indonesia Southeast Asian Games sina Ronald Pascual at Ian Sangalang ng San Sebastian Stags.
Ito’y matapos na patuloy silang hindi sumalo sa ensayo ng koponan na pinamamatnubayan ni coach Norman Black. Ayon sa ulat ay isang beses lang silang nakipag-ensayo matapos na magwakas ang men’s basketball Finals ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) kung saan natalo ang Stags sa San Beda Red Lions.
Nanghihinayang ako. Ewan ko lang kung nanghihinayang sina Pascual at Sangalang.
Napakarami kasi ng basketball players sa buong Pilipinas at 12 lang ang kakatawan sa atin sa SEA Games. Hindi ba isang malaking karangalan ang maging bahagi ng 12 magigiting na basketball players na lalaro sa SEA Games?
Aba’y lahat ng players ay naghahangad na maglaro sa RP Team, o matawag man lang sa tryouts. Ilan lang ang nagtatagumpay na maging miyembro nito.
Pagkatapos ay itatapon lang nina Pascual at Sangalang ang pagkakataong pagsilbihan ang Pilipinas?
Malaki sana ang kanilang maitutulong sa Sinag team. Si Pascual ay isang magaling na shooter at kapag sinuwerte sa three-point area ay sunud-sunod na ang pukol nito. Si Sangalang ay isang batang sentro. Sa gulang na 19, aba’y kaya na niyang makipagsabayan sa mga beterano.
Pero hindi sila puwedeng hintayin ng Sinag. Kailangang buuin na ang team dahil malapit na ngang mag-umpisa angkompetisyon.
At marami naman angpuwedeng pumuno sa babakantehin nilang puwesto. Maraming puwedeng gumawa ng gagawin sana nila. At tiyak na ang papalit sa kanila ay handang magpakamatay para sa bayan kung kinakailangan.
Hindi naman ang RP basketball team ang nawalan sa pagkakalaglag kina Pascual at Sangalang.
Ang dalawang ito ang nawalan.
Kasi baka hindi na muling dumating ang pagkakataong sila’y matawagpara makapaglingkod sa bayan.
Sayang!