Pagkatalo sa Game 1, naging wake-up call ng Red Cubs
MANILA, Philippines - Kung may isang bagay na pinasalamatan si San Beda Red Cubs coach Britt Reroma sa ginawang kampanya sa 87th NCAA juniors basketball, ito ay ang pagkatalong nalasap sa kamay ng CSB-La Salle Greenhills sa panimulang laro ng championship series.
“Ito ang nagsilbing wake-up call sa amin. At nakita rin namin na hindi nawala ang suporta sa team at noong nakuha namin ang game two, ito na ang naging turning point,” wika ni Reroma.
Pinawi ng Red Cubs ang 82-85 kabiguan sa game one nang mangibabaw sa sumunod na dalawang laro, 74-73 at 69-61 tungo sa 3-1 panalo sa Finals series at makuha ang ikatlong sunod na titulo.
Higit dito, ang kampeonato ay pang-19 sa pangkalahatan para iwanan ang Mapua na mayroong 18 sa paramihan ng juniors titles na napagwagian.
Walang kurap na sinabi rin ni Reroma na ito ang pinakamatamis sa lahat ng titulong naibigay sa koponan dahil masasabi niyang tunay nilang pinagtrabahuhan ang tagumpay na ito.
Kahit maraming baguhan ay nakagawa ang Red Cubs ng 18-0 sweep sa double round elimination para dumiretso sa Finals at hinawakan ang 1-0 lead.
May mga mawawalang manlalaro uli sa taong ito at kasama rito ay si Francis Abarcar na hinirang bilang Finals MVP.
Pero malaki ang tiwala ng mga kapanalig ng San Beda na may ibubuga pa ang koponan dahil huhusay pa ang matitirang players at madadagdagan pa sila ng paglalaro ng mga Energen Pilipinas players Rev Diputado at Andrei Caracut matapos makumpleto ang residency requirement.
- Latest
- Trending