MANILA, Philippines - Nakitaan ng mas magandang shooting ang Big Chill sa debutanteng RnW Pacific Pipes tungo sa madaling 70-48 panalo sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Trinity University of Asia sa Quezon City.
May 17 puntos si Raffy Reyes habang pinaghatian naman nina Alex Mallari at Jessie Collado ang 22 puntos at ang una ay mayroon ding 10 rebounds para sa mas balanseng pag-atake ng Superchargers.
“Maganda ang shooting namin sa game na ito at nakita ko ang mga gusto kong makita sa team. Malakas ang RnW pero first game lang nila ito at nagkakapaan pa,” wika ni Superchargers coach Arsenio Dysangco.
Ang panalo ay ikalawang sunod sa Big Chill para makasalo sa maagang liderato na tangan ng pahingang Blackwater.
Hindi nakasabay sa kabuuan ng labanan ang Steelers na hindi nakasama ang coach na si Topex Robinson dahil nasa Cebu ito kasama ang PBA team Alaska Aces.
Ang bagay na ito ay lalong nakaapekto sa takbo ng laro ng koponan at tanging si Kevin Racal lamang ang nakaiskor ng doble pigura sa kinamadang 10 puntos.
Sina Jim Viray at Vergel Zulueta na kilala sa kanilang shooting ay nakontento sa tig-pitong puntos at ang Steelers ay nagtala ng 19 turnovers tungo sa 20 puntos ng Big Chill.
Nalaglag ang Steelers sa 0-1 karta at nakasalo sa PC Gilmore at Café France.
Big Chill 70 – Reyes 17, Collado 11, Mallari 11, Tan 9, Ponferada 8, Dizon 8, Glorioso 4, Custodio 2, Maconocido 0, Mangahas 0, Galinato 0, Morillo 0.
RnW Pacific Pipes 48 --Racal 10, Viray 7, Dela Cruz 7, Ilagan 5, Importante 5, Marquez 5, Zulueta 4, Del Rio 3, Antonio 2, Miranda 0.
Quarterscores: 17-7, 30-21; 56-33; 70-48.