Thailand nagpadala ng pinakamalaking delegasyon
MANILA, Philippines - Hindi basta-basta isusuko ng Thailand ang hawak na overall title sa gaganaping 26th SEA Games sa Indonesia mula Nobyembre 11 hanggang 22.
Ito ang kanilang ipinakita nang magpatala ng 1,700 manlalaro mula sa kabuuang 3,000 kasapi ng delegasyon, na ipanlalaban sa 44 sports disciplines na nakataya sa torneo.
“Malaki ang ipinadalang delegasyon ng Thailand at mas malaki pa ang bilang ng kanilang atleta sa host Indonesia na mayroong 1,400 athletes,” wika ni Deputy Chief of Mission ng Pilipinas Julian Camacho.
Ang Pilipinas ay maglalahok ng 528 atleta sa kabuuang 747 miyembro ng Pambansang delegasyon na ang layunin ay higitan ang fifth place na pagtatapos gamit ang 38 ginto, 35 pilak at 51 bronze medals na naiuwi ng Pilipinas sa 2009 Laos SEA Games.
Nasabi ni PSC chairman Ricardo Garcia ang paniniwalang kakayanin ng ipadadalang delegasyon ang makapag-uwi ng 80 ginto bagay na suportado naman ni POC president Jose Cojuangco Jr.
“May mga events yong di inaasahan na maaaring manalo sa Indonesia. Kaya attainable ang 80 gold medals,” wika ni Cojuangco.
Ngunit ang hinihingi lamang ni Cojuangco sa lahat ng ipanlalaban ay tiyakin na ibibigay nila ang lahat ng makakaya manalo man sila o matalo.
“Hindi lamang gintong medalya ang mahalaga sa atin. Ang importante manalo man o matalo basta’t ibinigay ninyo ang lahat ng inyong makakaya at nakuha ninyo ang respeto ng mga manonood, daig pa ito ng gintong medalya,” pahayag pa ni Cojuangco.
Sa ngayon ay abala ang mga sports officials sa paghahanap ng pandagdag pondo lalo nga’t kapos pa sila ng mahigit na limang milyon dahil sa mga biglaang gastusin na hindi naisama sa naunang budyet.
Ang mga biglang gastos ay mga airfares ng mga opisyales na lilipad mula Jakarta hanggang Palembang at pabalik para alamin ang kalagayan ng mga atleta dahil walang ibinigay na libreng tiket ang host country.
Isa pang gastusin ay ang pangangailangan ng karagdagang tao dahil gagamitin na rin ng Indonesia ang East Java bilang isa pang venue.
“Ang mangyayari nito ay lilimitahan na lamang natin ang pagkilos ng ating mga opisyales. Confident naman kami na makukuha namin ang karagdagang pondo mula sa tulong ng private sector ng Malacañang,” paliwanag pa ni Garcia.
Magtitipun-tipon ang lahat ng kasapi ng Pambansang delegasyon sa Philsports Arena sa Pasig City para sa 1st Friday Mass at Send-Off ceremony na kung saan inimbitahan bilang panauhing pandangal ang Pangulong Benigno Aquino III at Bise Presidente Jejomar Binay.
- Latest
- Trending