MANILA, Philippines - Nagkakamali ang mga nais na makasubukan si Nonito Donaire kung iniisip nilang wala na ang kinatatakutang knockout punch nito nang matapos ni Omar Narvaez ang kabuuan ng kanilang laban.
Ayon kay Donaire na nasa bansa upang makapagbakasyon din, nakaapekto sa kanya ang pagkakaroon ng mahabang bakasyon dahil noon pang Pebrero nang huli siyang lumaban at tinalo sa pamamagitan ng knockout ang dating WBC/WBO bantamweight na si champion Fernando Montiel.
Itinuro rin ni Donaire ang kawalan ng interes na lumaban ng sabayan ni Narvaez kaya’t nagtagumpay ito na tapusin ang bakbakan ng nakatayo.
Pero iba na ang makikita sa kanya sa 2012 at nakikita ang sarili na magiging abala sa laban dahil plano niyang umakyat ng ring ng apat na beses sa susunod na taon.
“I’m ready for whoever want to challenge me,” wika ni Donaire na iiwan na ang bantamweight division at aakyat na sa super bantamweight division.
Ang mga pinagpipilian na makakatapat ni Donaire ay sina WBC champion Toshiaki Nishioka, WBO champion Jorge Arce, WBA champion Rico Ramos at Takalani Ndlovu ng IBF.
Sa mga pangalang ito, nais ni Donaire na mauna si Nishioka na aniya ay pinakamahusay sa ngayon sa 122 pound division.
Dahil ilang buwan siyang mababakante, ipinangako naman ng 28-anyos na si Donaire na hindi magpapabaya sa timbang at sisikaping mapanatili ang timbang sa 135 pounds upang hindi mahirapan kapag nagbalik na sa pagsasanay para mapaghandaan ang unang laban sa 2012.