La Salle mapapasabak agad sa UST sa UAAP baseball
MANILA, Philippines - Magsisimula sa Nobyembre 27 ang aksyon sa second round ng UAAP sa pagbubukas ng baseball sa Rizal Memorial Field.
Ang UST na nagdedepensang kampeon at inaasinta ang ika-25th titulo sa team sport na ito ay makakalaban ang La Salle sa unang bakbakan sa ganap na alas-8 ng umaga.
Isang simpleng opening ceremony muna ang mangyayari sa anim na koponang torneo sa ganap na alas-7 ng umaga.
Ang iba pang laro ay katatampukan ng Ateneo at Adamson at UP laban sa National University.
Ang Adamson ay magtatangka na manumbalik sa pagiging champion team na naudlot noong nakaraang taon upang magwakas din ang three-peat titles mula 2007 hanggang 2009.
Samantala, ang softball ay magbubukas naman sa Nobyembre 30 sa Rizal Memorial diamond at ang unang laban ay sa pagi-tan ng nagdedepensang Adamson laban sa La Salle sa alas-9 ng umaga.
Ang UP ay sasagupa sa UST sa alas-11 ng tanghali bago sumampa sa field ang Ateneo at UE dakong ala-1 ng hapon.
Pakay ng Lady Falcons na siyang host ng baseball at softball na masungkit ang ikalawang sunod na titulo at pang-11 ng paaralan sapul noong 1997-98 season.
Ang iba pang sports na paglalabanan sa second semester ay sa football, volleyball, chess, tennis, fencing at athletics.
Matapos ang pitong sports at 14 events na pinaglabanan sa first semester, ang UST pa rin ang angat sa tagisan sa overall championship matapos makalikom ng 151 puntos.
Malayong nasa ikalawa ang La Salle sa 139 kasunod ang host Ateneo sa 117, ang FEU sa 111, UP sa 105, UE sa 72, Adamson sa 56 at NU sa 34 puntos.
Angat din ang UST sa tagisan sa juniors pero tatlong puntos lamang ang inilayo nila sa pumapangalawang UE, 65-62.
- Latest
- Trending