MANILA, Philippines - Binigyan ningning ni Joseph Arcilla ang paglahok ng Pilipinas sa 14th World Soft Tennis Championships nang makapag-uwi ng bronze medal sa kompetisyong ginawa sa Mungyeon stadium, Mungyeong, Korea mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 1.
Nanalo si Arcilla kay Ferenzy Lorand ng Romania, 3-0; Sirisack Bountavong ng Laos, 3-0; at kay Radzabalev Rakhmatulodzhon ng Tajikistan, 3-1; upang itakda ang pagkikita nila ni fourth seed Uchirsaikhan Bayasgalant ng Mongolia na kanyang tinalo, 4-3.
Kinailangan ni Arcilla na magpakita ng tibay ng dibdib dahil umabante sa double match-point sa tiebreak, 4-6, ang katunggali. Pero naipasok ni Arcilla ang down-the-line forehand return at ito ang nag-alis sa kumpiyansa ng Mongolian netter na nagtala ng tatlong sunod na errors.
Hindi naman nakaabante sa Finals si Arcilla dahil tinalo siya ni Makeyev Dmitry ng Kazakhstan, 4-3.
Ang bronze medal ni Arcilla ay pumantay sa naibigay ni Josephine Paguyo noong 1995 sa Gifu Japan World Cup.
Tanging si Arcilla lamang ang pinalad dahil ang ibang ipinadala ng Philippine Soft Tennis Association (PSTA) ay nabigong makapasok sa medal round.
Si Samuel Nuguit ay nasibak sa second round ng men’s singles habang sina Noelle Conchita Zoleta at Cheryl Macasera ay nasibak sa third round at second round sa girls singles.
Sa doubles, ang magkapatid na sina Joseph at Jhomar Arcilla ay umabot hanggang third round sa men’s doubles habang sina Giovanni Mamawal at Mikoff Manduriao ay nasibak sa second round sa kalalakihan.
Ang women’s doubles na binuo nina Macasera at Deena Rose Cruz at Paguyo at Divina Gracia Escala ay nakarating ng third at second round ayon sa pagkakasunod.
Sa team event, ang kalalakihan ay natalo sa Mongolia at nabigo sa China sa consolation round habang ang women’s team ay yumukod sa Chinese, Taipei at nabigo sa Thailand sa consolation round.