MANILA, Philippines - Todo-todo ang ginagawang pagpapakondisyon ni Dennis Orcollo upang makapagbigay ito ng magandang laban kontra kay Ralf Souquet ng Germany sa kanilang tagisan sa Nobyembre 5 para sa Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face Off Series sa PAGCOR Airport Casino sa Parañaque City.
“Fifth hanggang 60 racks sa isang araw ang ginagawa kong pagsasanay. Bukod pa ito sa paglalaro ng table tennis, pag-swimming at jogging para malagay ako sa kondisyon,” wika ni Orcollo.
Isang race to 9 sa larangan ng 10-ball inilagay ang tagisan na una sa ser-ye ng one-on-one match-up sa pagitan ng mga mahuhusay na Filipino cue artist laban sa mga dayuhan.
Si Souquet ay darating sa bansa ngayon at magkakaroon ng ilang araw na pahinga bago sukatin uli si Orcollo sa palarong handog ng Mega Sports World at BRKHRD Corp katuwang ang PAGCOR, PCSO, ACCEL, Diamond Table, Predator cues, Simonis cloth, San Miguel Beer Pale Pilsen, Malungai Life Oil, I-Bar, Human Plus Probiotics, Golden Leaf Restaurant, Hermes Sports, Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) at Philippine Star bilang official media partner.
Huling naglaban sina Souquet at Orcollo sa World Pool Masters Finals na ginawa sa Pilipinas at nanalo ang una sa huli, 8-5.
Matapos ni Orcollo, sunod na kakaharapin ni Souquet ay si Carlo Biado sa Nobyembre 12.
Ang iba pang tagisan ay kapapalooban nina Ronato Alcano at Daryl Peach ng Great Britain sa Nobyembre 19 at Peach laban kay Francisco “Django” Bustamante sa Nobyembre 26.
Ang mga laro ay mapapanood ng live sa internet gamit ang www.megasportsworld.com at mapapanood din sa Solar Sports, Sky Channel 70 at Destiny Channel 34 tuwing Sabado.