Vietnam kampeon sa V-League Invitational
MANILA, Philippines - Iniukit ng Vietnam ang kanilang pangalan bilang kauna-unahang kampeon sa V-League Invitational Club Championship matapos manalo laban sa Philippine Army, 18-25, 14-25, 25-22, 25-23, 15-8, sa one game finals kahapon sa The Arena sa San Juan.
Pinawi ng bisitang koponan ang mahinang panimula sa unang dalawang sets nang nagsimulang magdomina sa net si Anactaxia Trernai na sinabayan pa ng biglang paglaylay sa laro ng Troopers lalo na sa ikalima at deciding set.
Lumabas na hindi natalo sa apat na laro ang Vietnamese team na kinatawan ng Vietsopetro sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakeys.
Si Trernai ay nagtala ng 31 puntos na nilakipan ng 29 kills.
Walang naitugon ang Army sa husay ni Trernai na gumawa ng mga off-speed kills sa fifth set para bigyan ng 10-0 start ang kanyang koponan.
Sinikap ni Rachel Daquis na buhayin ang laban ng Lady Troopers at idinikit ang koponan sa 7-13 pero napabayaan si Tam Nguyen Huyen na nagpakawala ng kill at matapos ang puntos pa ni Daquis, natapos ang laban nang magtala ng blocking error si Mary Jean Balse sa atake ni Loan Tran Thi.
Ang isa pang Russian import ng Vietnam na si Ekaterina Martynova ay tumapos taglay ang 20 puntos sa 14 kills, 4 blocks at 2 service ace at siya rin ang hinirang bilang Most Valuable Player ng torneo na may ayuda rin ang Mikasa at Accel.
Inangkin naman ng Malaysia ang ikatlong puwesto nang mangibabaw sa Ateneo De Manila UIniversity, 25-22, 25-21, 25-13, sa unang laro.
Si Ekaterina ang lnahirang bilang Best Scorer, habang si Trernai ang Best Attacker. Si Wong Fei Tien ang Best Blocker at si Vietnam liberoTuyen Bui Vu Thanh ang kinilalang Best Receiver.
Hindi naiwan ang mga Filipina sa awards at sina Ateneo players Dennise Michelle Lazaro at Jamenea Ferrer ang hinirang bilang Best Digger at Best Setter.
- Latest
- Trending