Ateneo, Adamson hari sa basketball sa UniGames
MANILA, Philippines - Nakumpleto ng Ateneo at Adamson ang kanilang misyon sa basketball event, habang kuminang naman ang La Salle sa men’s football at ang FEU at La Salle-Bacolod ang hinirang na kampeon sa volleyball sa pagtatapos 16th PSC-Philippine University Games sa Roxas City, Capiz noong Sabado ng gabi.
Naghatid ng 22 puntos si Justin Chua at siyam rito ay ibinagsak sa huling yugto para tuluyang maiwanan ng Ateneo ang palabang West Negros College sa pamamagitan ng 76-62 panalo.
Ang mga jumpers ni Chua ay nakatulong para ibigay sa Blue Eagles ang 74-56 bentahe para masungkit ng 4-peat UAAP champions ang ikaapat na titulo sa limang taon ng UniGames na suportado ng Sandugo Sandals at Gatorade.
Iniuwi ng Lady Falcons ang ikatlong sunod na titulo nang manaig sa St. Benilde, 63-54, kahit anim sa manlalaro ng koponan ay may iniindang pananakit ng tiyan.
Sina Snow Penaranda at Anna Buendia na kasama sa masama ang tiyan ang nagtulong sa pinakawalang 11-2 bomba matapos ang 49-all patungo sa ikatlong sunod na women’s title.
Matapos ang mahabang panahong pagkatalo, bumalik ang naman La Salle sa kampeonato sa men’s football mula sa 4-1 tagumpay laban sa University of Negros Occidental-Recoletos.
- Latest
- Trending