Painters nagsosolo na
MANILA, Philippines - Bagamat sumakay sa isang two-game winning streak ang Bolts, naging madali naman para sa Elasto Painters ang masolo ang liderato.
Matapos kunin ang isang 27-point lead sa first half, hindi na nilingon ng Rain or Shine ang Meralco patungo sa kanilang 139-95 panalo sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Ipinoste ng Elasto Painters ang 68-41 bentahe sa halftime para sa kanilang ikatlong sunod na panalo, kasama ang 120-84 paglampaso sa Alaska Aces noong Oktubre 23.
Bitbit ngayon ng Rain or Shine ang 5-1 baraha kasunod ang nagdedepensang Talk ‘N Text (4-1), Barako Bull (4-1), Meralco (4-3), Petron Blaze (3-2), Barangay Ginebra (3-2), B-Meg (2-4), Alaska (0-5) at Shopinas.com (0-5).
Kasalukuyan pang nag-lalaro ang Boosters at ang Tigers habang isinusulat ito.
Binuksan ng Elasto Painters ang laro sa 12-4 at isinara ang first period tangan ang 33-20 lamang hanggang palobohin ito sa 27-point advantage, 68-41, mula sa isang three-point shot ni No. 2 overall pick Paul Lee sa natitirang 37 segundo sa first half laban sa Bolts, nanggaling sa dalawang magkasunod na tagumpay.
Isang 36-point lead, 77-41, ang ikinasa ng Rain or Shine sa 9:47 ng third quarter galing sa basket ni Lee hanggang ibaon ang Meralco sa 116-71 sa 9:16 ng final canto buhat sa tres ni Jeff Chan.
Rain or Shine 139 - Buenafe 24, Chan 20, Lee 19, Belga 14, Cruz 10, Matias 10, Quiñahan 10, Norwood 7, Rodriguez 7, Araña 6, Ibañes 5, Jaime 4, Uyloan 3.
Meralco 95 - Cardona 25, Omolon 13, Mercado 12, Espinas 12, Isip 9, Hugnatan 9, Lanete 4, Faundo 3, Yee 3, Macapagal 3, Ballesteros 2, Taulava 0, Borboran 0.
Quarterscores: 33-20; 68-41; 106-64; 139-95.
- Latest
- Trending