MANILA, Philippines - Wala ng dahilan pa para hindi maisakatuparan ng Philippine Weightlifting Association (PWA) ang hangaring tagumpay sa mga lalahukang malalaking kompetisyon.
Pinasok na rin ng MVP Sports Foundation ang weightlifting sa mga sports na kanilang susuportahan nang magkasundo si Pangilinan at PWA president Monico Puentevella.
Maglalaan ng P1 milyong pondo ang foundation na hawak ni businessman/sportsman Manny V. Pangilinan taun-taon para ipantustos sa mga programa na ang layunin ay magtagumpay ang mga Filipino weightlifters sa mga malalaking kompetisyon.
Unang prayoridad ng PWA sa taong ito ay ang SEA Games at ang paglahok sa London Olympics qualifying event sa Paris, France mula Nobyembre 11 hanggang 20.
Si Hidilyn Diaz ang pambato ng Pilipinas sa Olympic qualifying at kung papalarin siyang masama ay maglalabas pa ng karagdagang pondo ang MVP Foundation para sa preparasyon sa London Olympics.
Pinasok ng MVP Sports Foundation ang weightlifting dahil sa pagkakaroon ng magandang resulta sa mga laro ni Diaz bukod pa sa ibang batang lifters tulad nina Patricia Llena at Nestor Colonia.
“I would like to thank Manny Pangilinan for his passion and commitment to Philippine Sports. His support to weightlifting will be an added inspiration for our athletes to pursue their dreams of winning medals in international tournaments including the Olympics,” wika ni Puentevella.
Ang weightlifting ang ikasiyam na sport na sakop ng MVP Foundation gamit ang kanilang programang GOAL! Pilipinas.
Ang iba pang tinutulungan ng MVP Foundation ay ang football, basketball, boxing, cycling, taekwondo, badminton, tennis, at running.