Phl Army kontra Vietnam sa titulo

MANILA, Philippines - Nagsanib sa 21 kills sina Mary Jean Balse, Nerissa Bautista at Rachel Ann Da­quis habang may anim na blocks si Marietta Carolino upang dominahin ng Philippine Army ang Ateneo, 25-13, 25-9, 25-17, sa pagta­tapos ng eliminasyon ng V-League Invitational Club Championship kahapon sa The Arena sa San Juan.

Walang naitapat ang Lady Eagles sa malakas na puwersa ng Troopers dala ng pagkakaroon ng shoulder injury ng pambatong si Alyssa Valdez upang angkinin ng Philippine Army ang karapatang labanan sa one-game finals ang Viet­nam.

Ang laro ay itinakda sa ganap na alas-4 ng hapon ngayon sa pagtatapos ng apat na araw na torneo na inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakeys bu­kod pa sa ayuda ng Accel at Mikasa.

Tinapos naman ng Viet­nam ang eliminasyon ta­ngan ang 3-0 sweep at ang Malaysia na huling pinataob sa 25-13, 25-21, 24-26, 25-16 iskor.

Sina Russian import Ekaterina Martynova, Loan Tran Thi at Huong Nguyen Thi ay tumapos taglay ang 18, 14 at 12 hits at nagsanib sa kabuuang 39 sa 58 kills ng kanilang koponan para maging mataas ang kumpiyansa papasok sa Finals.

Natalo ang Philippine Army sa Vietnam sa unang tagisan sa 25-20, 25-23, 25-23, pero naniniwala si Army coach Rico de Guzman na kakayanin nila ang lakas ng bisitang koponan.

Ang mga tickets para sa finals ay P300, P200 at P75 para sa ringside, lower box at general admission.

Show comments