Gold inialay ni Angeles sa inang OFW
MANILA, Philippines - Hangaring bigyan ng karangalan ang ina na nagtatrabaho sa Kuwait bilang isang domestic helper ang nakatulong para hirangin si Angelo Angeles bilang kauna-unahang gold medalist sa Batang Pinoy 2011 na idinadaos sa Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex sa Zamboanga City.
Kinailangan ni Angeles na itodo ang takbo upang balewalain ang hamon ni Arnulfo Solis ng General Santos City tungo sa tagumpay sa tiyempo na 18.19 segundo.
“Para po ito sa nanay ko dahil gusto ko siyang tulungan pagkatapos ko ng pag-aaral,” wika ni Angeles.
Kinapos lamang ng anim na milliseconds si Solis habang ang bronze medal ay ibinigay ni Nikko Bert Zabana ng Zamboanga City sa 20.06 tiyempo.
Humataw naman sa girls division ang mga pambato ng host City nang manalo sina Babylyn Garcia, Claudine Paytoni at Jophet Leo Larano.
Ang 13-anyos na si Garcia ay may 20.63 segundo para sa ginto sa girls 110m hurdles; si Paytoni ay kampeon sa girls 800m sa 2:45:37, at si Larano ay naorasan ng 2:23:00 sa 800m run.
Isinantabi ng 14-anyos na si Gladyl Calamba ng Dipolog City ang pananakit ng tiyan para manalo sa 2000m run sa 8:54:59 oras.
Si Jay R Catubay ang naghatid ng ikalawang ginto sa Dipolog City sa long jump nang makalundag sa layong 4.72 metro.
Nagparamdam din ang delegasyon mula Davao Del Norte nang manalo sa kompetisyong itinaguyod ng Philippine Sports Commission at suportado ng Smart, Maynilad at Summit Natural Water bukod pa sa tulong ng Milo, Jollibee, The British Council, Standard Insurance at Negros Navigation-Super Ferry.
- Latest
- Trending