MANILA, Philippines - Ayaw ihayag ni Manny Pacquiao kung paano matatapos ang ikatlong laban nila ni Juan Manuel Marquez sa Nobyembre 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Wala siyang komento kung KO o decision siya mananalo dahil alam niyang naghahanda rin nang husto si Marquez na tulad ni Pacquiao ay nagnanais na maipanalo ang nasabing sagupaan.
Itataya ni Pacquiao ang WBO welterweight title pero higit sa titulo ay mapatunayan sa sarili na tunay siyang nanalo sa huling tagisan ang mas mahalagang resulta.
Tabla ang unang laban noong 2004 at nanalo sa split decision si Pacquiao noong 2008 pero naghayag si Marquez na biktima siya ng maling hurado at siya ang tunay na nanalo sa nasabing mga tagisan.
“All questions will be answered in the ring. We have studied new techniques and strategies, still I can’t say if it’s going to be a knockout. If it’s going to be a knockout, that’s a bonus,” wika ni Pacquiao sa panayam ng Boxing Examiner.
Maging ang promoter niyang si Bob Arum ay naniniwalang bibigyan si Pacquiao ng magandang laban ni Marquez.
“Manny has his hands full with what I think is a new and improved Marquez who physically looks like a much bigger guy. When Manny fought him the first two times, he wasn’t knocking anybody out. But now, he has a whole string of knockout victories,” pahayag ni Arum.
Pero idinagdag pa ni Arum na susi para sa ikapapanalo ni Pacquiao ang pinalakas na kanang kamao na nagpahirap sa mga malalaking katunggali tulad nina Joshua Clottey, Miguel Cotto, Antonio Margarito at Shane Mosley.
Dahil naman sa karagdagang arsenal na ito ni Pacman kung kaya’t nakikita nina trainer Freddie Roach na maagang matatapos ang bakbakan.