Alcala lumapit sa 2-peat sa VP Binay GP

MANILA, Philippines - Dinomina ni Malvinne Ann Alcala ang top seed na si Gelita Castilo sa straight sets, 21-16, 21-9, para magkaroon ng pagkaka­taon na makuha ang ikalawang titulo sa idinadaos na VP Binay Grand Prix Badminton Open Championships-PBaRS fourth leg sa Philsports Arena sa Pasig City.

Kampeon ng second leg sa ranking tournament na pinagtulungang itaguyod nina VP Jejomar Binay, Rep. Albee Benitez at businessman/sportsman Manny Pangilinan, si Alcala na lalaro rin sa SEA Games sa Indonesia ay makakalaban si Bianca Carlos sa kampeonato.

Si Carlos ay nanalo kay Reyne Calimlim, 21-16, 21-10, para mamuro rin sa ikalawang titulo sa apat na leg circuit matapos manalo sa first leg sa torneong suportado ng PLDT-Smart Foundation, Robinson’s Mall, Gatorade at equipment sponsor Victor na ipi­namamahagi sa bansa ng PCOME Industrial Sales, Inc.

“Medyo nangapa ako sa simula pero nakuha ko rin ang laro ko ng tumagal ang laban,” wika ng 16-anyos na si Carlos ng St. Paul College-Pasig.

Maglalaban din sina Alcala at Carlos sa girls U-19 singles category nang sibakin ni Alcala si Elisha Ongcuangco, 21-4, 21-8, at si Carlos ay nanalo kay Abigail Garcia, 21-11, 21-12.

Ang top seed sa kala­lakihan na si Toby Gadi ay nanalo kay Joper Escueta, 21-11, 16-21, 21-19, upang itakda ang laban para sa titulo kontra sa third seed na si Gabriel Magnaye, na pinagpahinga si Ian Mendez, 21-17, 21-17.palarong may basbas ng Philippine Badminton Association (PBA) na pinangu­ngunahan ni VP Binay at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC). 

Show comments